Posas

Kelot ‘sinaniban’, nanaksak ng pulis

November 1, 2023 Melnie Ragasa-limena 147 views

BASTA nagulat na lang po ako na parang biglang may sumanib sa akin.” Ito umano ang nasambit ng isang lalaki matapos na saksakin umano ang isang pulis Martes ng hapon sa Quezon City.

Nakilala ang biktimang si Pat. Jonathan C. Orlanes ng Barangay Krus Na Ligas sa Quezon City, habang arestado naman ang lalaking suspek.

Sa imbestigasyon ni PSSg. Francis Xavier R. Manalo ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station 9, nangyari ang insidente dakong alas 2:45 sa Tent City Pook Arboretum sa Bgy. UP Campus, Quezon City.

Ilang residente ang nanghingi ng police assistance dahil sa ulat ng pambubugbog ng isang lalaki na umano’y nawala sa katinuan.

Ayon kay QCPD Anonas Police chief, PLt. Col. Ferdinand Casiano, isang matanda ang napapagtripan bugbugin ng suspek na pinaniniwalaang lasing sa alak.

Nang dumating ang biktima kasama sina PEMS Genaro Legaspi Jr., PSMS Alex Atchecoso, PSSg. Philip John Laylo, PCpl. Robert De Luna, PCpl. Julius Cesar Dela Cruz at PCpl. Ronel Cativo, agad na inatake ng suspek si Orlanes at mabilis na tumakas.

Makalipas ang ilang oras ay nadakip ang suspek, subalit ayon sa kanya ay hindi niya sinasadya na masaksak si Orlanes at tila mayroon umanong sumanib sa kanya at hindi niya alam ang kanyang ginawa.

“Basta nagugulat lang po ako parang biglang may sumanib sa akin. Kasi hindi ko alam ‘yon… nagulat na lang ako nang bumalik ako sa wisyo ay nakasaksak pala ako ng pulis. Basta parang may sumasanib talaga sa akin,” sabi ng suspek.

Nabawi sa suspek ang ginamit niyang patalim at mahaharap ito sa mga kasong frustrated homicide, direct assault, serious physical injury at illegal possession of deadly weapon sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Napag-alamang nakulong na nitong nakaraang taon ang suspek dahil sa pambubugbog sa kanyang asawa.