Default Thumbnail

Kelot patay, dalagita sugatan sa pananambang sa QC

November 28, 2022 Melnie Ragasa-limena 275 views

PATAY ang isang lalaki habang sugatan naman ang 15-anyos na dalagitang kapitbahay nito sa naganap na pamamaril sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Agad na nasawi ang 49-anyos na biktima, ng Barangay Bahay Toro, Project 8, habang sugatan naman ang isang Grade 9 student na residente rin ng nasabing lugar.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang tumakas na suspek na may alias “Richmond Roco,” ng Bgy. Baesa, sa nasabi ring lungsod.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6 Police Station 15 (PS-15), bandang 9:15 ng gabi (Nobyembre 27), nang maganap ang insidente hindi kalayuan sa tahanan ng napaslang na biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSg. Alvin Bolastig, naglalakad umano ang biktima patungo sa kaniyang bahay habang ang suspek ay nakaupo naman sa bangketa.

Nang papalapit na ang biktima ay biglang tumayo ang suspek at bigla itong sinuntok dahilan upang bumagsak sa semento ang biktima.

Agad na tumayo ang biktima pero hindi pa nakuntento ang suspek at bumunot pa ito ng baril saka sunod-sunod na malapitang pinaputukan ang biktima na nagresulta sa agaran niyang pagkamatay.

Tinamaan naman sa kanang binti ng ligaw na bala ang dalagitang biktima na nakaupo sa bangko malapit sa pinangyarihan ng krimen.