Kulong

Kelot natukso sa cellphone ng katabing pasahero, kalaboso

November 1, 2023 Edd Reyes 247 views

NATUKSONG hablutin ng 41-anyos na construction worker ang ginagamit na mobile phone ng katabing ginang sa loob ng sinasakyan nilang pampasaherong jeep na dahilan ng kanyang pagkakakulong Martes ng hapon sa Malabon City.

Hindi naman nakalayo sa pagtakas ang suspect na si alyas “Gerry”, residente ng Alejo St., Brgy. Catanghalan, Obando, Bulacan dahil kaagad siyang nasakote nina P/Cpl William Calingayan Jr. at P/Cpl Jaypee Talay ng Malabon Police Sub Station 2 na nakatalaga sa Police Assistance Desk ng Robinson Town Mall.

Sa isinumiteng ulat ni P/SSg. Jeric Tindugan ng Theft and Robbery Section kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, ginagamit ng biktimang si Arianne Sibulangcao, 37, ng Gabriel Street, Barangay Arkong Batko, Velenzuela City ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P7,000 sa loob ng sinasakyang pampasaherong jeep nang hablutin ito ng katabi niyang pasahero dakong ala-1:50 ng hapon pagsapit sa harap ng Francia Market sa M.H. Del Pilar Avenue, Brgy. Tinajeros at kaagad tumakas patungong Brgy. Potrero.

Nakahingi naman kaagad ng saklolo ang ginang sa mga nakatalaga sa Police Assistance Desk ng nasabing mall na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakabawi sa inisnatch niyang cellphone.

Iprinisinta na para sa inquest proceeding ng pulisya sa piskalya ng Malabon ang suspek para sa kasong robbery snatching na isasampa laban sa kanya habang pinayuhan naman ni Col. Baybayan ang publiko, lalu na ang mga kababaihan, na iwasang gumamit ng kanilang mobile phone sa mga pampublikong lugar.

AUTHOR PROFILE