Default Thumbnail

Katiwalian walang puwang sa administrasyon ni PBBM

October 11, 2023 Edd Reyes 281 views

Edd ReyesPINATUNAYAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na walang puwang ang katiwalian sa kanyang administrasyon nang kaagad suspendihin si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz III, ilang oras lang matapos isangkot ng dati niyang opisyal sa pangongotong.

Makatuwiran at makatarungan ang desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) dahil may pagkakataon pa si Guadiz na idepensa ang kanyang sarili sa mga akusasyon laban sa kanya lalu na’t iniutos na rin ng Pangulo ang malalimang imbestigasyon sa isyu.

Inginuso kasi si Guadiz ng kanyang dating executive assistant na umano’y tumatabo ng milyong piso mula sa grupo ng transportasyon na humihingi ng pabor sa naturang ahensiya.

Malinaw sa hakbang ni PBBM na hindi niya pinalalagpas ang ganitong mga uri ng alingasngas na sumisira, hindi lamang sa kanyang pamamahala, kundi higit sa lahat ay sa taumbayan na kanilang pinaglilingkuran.

Tiyak na magsisilbing babala sa iba pang mga opisyal ng pamahalaan ang matatag na paninindigan ni PBBM sa paglaban sa katiwalian ng walang pinalalagpas kahit sino pa ang padrino.

Hindi lang paglaban sa katiwalian mabilis ang aksiyon ni PBBM dahil kamakailan lang ay iniutos niya ang pagbabawal sa mga lokal na pamahalaan na kumolekta ng mga bayarin sa mga delivery truck na naglalaman ng mga produktong agrikultura at pagkain na dumadaan sa lansangang hindi naman sila ang nagpagawa upang mapababa ang presyo ng bilihin.

Siyempre, dahil ang Pangulo ang nag-utos, kaagad na tumalima ang mga LGUs at ipinagutos sa hepe ng iba’t-ibang departamento na kumokolekta ng bayad na tigilan ang paniningil ng kahit ano pang bayarin sa mga delivery truck na nagluluwas ng produktong pagkain..

Sa ipinakikitang aksiyon ni PBBM, hindi malayong mabawi niya ang bahagyang pagbagsak ng approval at trust rating nitong buwan ng Setyembre na tanggap naman niya dahil batid niyang hirap ang tao sa pagbili ng mataas na presyo ng bigas.

Greenzone Park sa Navotas umabot na sa Phase 3

KAHIT maliit lang ang land area ng Navotas City, nakapaglalaan pa rin sila ng lugar para may mapasyalan, mapagpahingahan at mapaglaruan ang mga kabataan at mga senior citizen.

Nito lang nakaraang linggo, pinasinayahan nina Mayor John Rey Tiangco, Cong. Toby Tiangco at Metro Manila Development Authority (MMDA) Acting Chair Atty. Don Artes ang Phase 3 ng Greenzone Park sa R-10, Brgy. NBBN na karugtong ng Phase 1 at 2 na naisakatuparan sa ilalim ng Adopt-a-Park project ng ahensiya.

Sabi ni Mayor Tiangco, mapalad sila sa pagkakaroon ng katuwang tulad ng MMDA na maisakatuparan ang pagkakaroon ng parke kahit limitado lamang ang lawak ng kanilang nasasakupang lupain.

Ang maganda pa aniya, nangako ang MMDA na palalawakin pa ang parke sa katabing lugar at inaasahan nilang mapapasinayahan din ito sa nalalapit na panahon.

Pinaalalahanan naman ni Cong. Toby Tiangco ang mamamayan na panatilihing malinis at berde ang kapaligiran sa parke at iba pang lugar lalu na’t karamihan aniya sa mga nakatayong puno rito ay itinanim nila noon taong 2000. Kapag inalagaan aniya ito, mananatiling maganda ang kapaligiran na tiyak na makakapagpasaya sa mga darating pang henerasyon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE