Default Thumbnail

‘Katas ng Saudi’

May 31, 2021 Allan L. Encarnacion 569 views

Allan EncarnacionSA biglang tingin, magpupuyos ka sa galit sa Philippine government dahil sa pagpapatupad ng travel ban ng mga OFWs papuntang Saudi Arabia.

Lahat ng klase ng masasamang salita mula sa mga apektadong manggagawa at mula rin sa mga taong hindi alam ang tunay na sitwasyon ay ipinukol na sa gobyerno, lalo na kay Labor Secretary Bebot Bello.

Puwersado ang pamahalaan na ipatigil pansamantala ang paglipad ng mga OFWs sa Saudi dahil sa naunang patakarang pagbabayarin ng COVID testing at 10-day hotel quarantine ang mga manggagawang papasok sa KSA.

Sa kuwenta ng Philippine government, aabot sa US$3,500 ang gastos ng isang OFW sa prosesong ito o katumbas ng P175,000. Kung papayag ang gobyerno sa ganitong patakaran ng KSA, para na rin niyang pinayagang malunod ang mga manggagawa sa mismong “katas ng Saudi” na pinagpapawisan ng ating mga kababayan dahil ang halagang ito ay katumbas na ng halos isang taon nilang suweldo.

Nagbunga naman ang kilos ng pamahalaan dahil isang araw matapos ang travel ban, nilinaw na ng Saudi government na wala nang pagdadaanang ganoong proseso ang mga parating na OFWs kaya pinayagan na sila muling makabiyahe nitong weekend.

Ito iyong sinasabi natin, bagama’t mapait na pildoras ang mga biglaang patakaran ng pamahalaan, sa bandang huli, magreresulta naman ng kagalingan. Hindi madaling magpairal ng mga polisiya na alam mong sasagasa sa kabuhayan ng ating mga OFWs. Pero sabi nga, puwersado mo itong gawin para maisaayos ang anumang posibleng makagigipit sa mga manggagawa.

Kung mayroon mang bansa na unang minahal ng mga Pilipino, iyon ang Kingdom of Saudi Arabia. Halos sa bansang ito nagsimulang nakabili ng stainless jeep si tatay, dito rin nagmula ang unang Adidas na sapatos na ibinigay kay bunso, ang pabango na unang naamoy ni lola, sa Saudi rin galing ang matrikula ni ate, at ang malaka na Akai stereo ni lolo ay galing din sa KSA.

Sa madaling salita, KSA ang unang bansang bumuhay sa maraming Pilipino kaya naniniwala tayong alam din ng dalawang gobyerno ang kanilang ginagawa para hindi masira ang relasyon.

Binabati natin ang DOLE, ang DF, lalo na si Secretary Bello sa kanyang decisive action para sagipin ang ating mga manggagawa.

***

Maganda itong riding-in-tandem ng PITX at LTO na random drug at alcohol testing sa mga tsuper at konduktor na gumagamit ng magandang pasilidad ng state of the art bus terminal sa Paranaque.

Ang good news, 112 bus drivers at konduktor ang biglaang isinailalim sa drug at alcohol testing kaya walang nakalusot. Ang bad news, dalawa sa mga drivers ang nagpositibo sa paggamit ng illegal drugs.

Malaking bagay para sa commuting public ang partnership ng LTO at PITX na tiyaking hindi nakadroga ang mga may dala ng bus dahil kaligtasan ng mga pasahero ang nakataya rito.

Hindi ko naman alam sa mga taong ito kung bakit nagugumon sa droga alam na nga nilang walang buting maidudulot sa kanila ito.

Congratulations din sa PITX at LTO.

[email protected]