Karen

Karen balik-‘TV Patrol,’ Pia pasok sa ‘The World Tonight’

October 9, 2021 Ian F. Fariñas 369 views

Magbabalik ang multi-awarded broadcast journalist na si Karen Davila bilang isa sa mga anchor ng TV Patrol simula bukas, Lunes (Oktubre 11), para mas palakasin ang misyon ng newscast na maglingkod sa mga Pilipino saan man sila sa mundo.

Sina Karen at ang kapwa batikang news anchors na sina Henry Omaga-Diaz at Bernadette Sembrano-Aguinaldo ang mangunguna sa flagship newscast ng ABS-CBN na 34 taon nang naglilingkod at naghahatid ng balita at impormasyong mahalaga sa bawat Pilipino lalo na sa kritikal na panahon ngayon.

Unang naging bahagi ng newscast si Karen noong 2004 hanggang 2010. Kabilang din dati ang kasalukuyang anchor ng Headstart sa ANC sa late night newscast ng ABS-CBN na Bandila bago ang broadcast shutdown noong 2020.

Samantala, ang senior reporter na si Pia Gutierrez naman ang bagong makakasama ni Tony Velasquez sa The World Tonight kapalit ni Karen simula rin bukas, Lunes (Oktubre 11).

Manood ng TV Patrol kasama sina Henry, Bernadette at Karen tuwing Lunes hanggang Biyernes, 6:30 p.m., sa ANC at TeleRadyo sa cable at satellite TV, overseas via TFC at online sa ABS-CBN News YouTube Channel, news.abs-cbn.com, o makinig sa audio streaming sa ABS-CBN Radio Service App.

Tutukan din ang The World Tonight nina Tony at Pia tuwing Lunes hanggang Biyernes, 9 p.m., sa ANC at 10:40 p.m. sa Kapamilya Channel at napapanood rin sa iWantTFC, TFC at iba pang ABS-CBN News digital platforms.

AUTHOR PROFILE