Bong & Jinggoy

Kap’s Amazing Agimat Birthday Giveaway ni Sen. Bong, tagumpay

September 30, 2021 Ian F. Fariñas 1854 views

WALANG pagsidlan ang tuwang nararamdaman ni Sen. Ramon Bong Revilla dahil sa tagumpay ng kanyang Kap’s Amazing Agimat Birthday Giveaway na dalawang gabing tinutukan ng publiko nu’ng September 25, Sabado at September 26, Linggo.

Lubhang napakasaya ng magkasunod na pagtatanghal dahil noong unang gabi sa mismong kaarawan ni Sen. Bong ay kasama niyang nag-host ang maybahay niyang si Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla, kasama ang iba pa nilang anak, kabilang na dito si Cavite Vice Governor Jolo Revilla at ang maybahay nitong si Angelica.

Personal ding dumalo ang kapatid ni Sen. Bong at dating aktres na si Princess Revilla na matapos magbigay ng pagbati ay naghandog din ng isandaang libong piso para sa karagdagang papremyo na ipinamamahagi ng naturang programa.

Nagdagdag din sa pagpapatawa ang mga komedyanteng sina Boobsie Wonderland at Moymoy Palaboy.

Sa pangalawang gabi naman ay tumulong sa pag-host ang panganay na anak ni Sen. Bong na si Bryan Revilla na lalong nag-improve ang hosting skills.

Nagbigay din ng pagbati sina Sen. Juan Miguel Zubiri, House Speaker Lord Allan Jay Velasco, Sen. Bong Go, Gov. Chiz Escudero, Cong. Loren Legarda, Sen. Joel Villanueva, Sen. Sherwin Gatchalian, Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Davao City Mayor Sara Duterte at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dumating ang dating Sen. Jinggoy Estrada na saglit pang lumahok sa programa at naghandog pa ng isandaang libong piso na karagdagang premyo.

Ilang ulit napaluha si Sen. Bong sa mga kalahok online na nagmula sa iba’t ibang panig ng bansa na karaniwan ay nawalan ng hanapbuhay sa panahon ng pandemya at may malalang sakit na kailangang-kailangan ng panggamot.

Sa Agimat ng Agila Games ay may mga tumanggap ng hanggang P200,000, sa Amazing Roleta ay napakarami ng nanalo ng P100,000 at P200,000 bawat isa at ang daming nakatanggap ng tig-limang libong piso.

Noong Sabado (Sept. 25) ay umabot ng 1.2M ang reached, 87,000 ang shares, 400,000 ang views at 640,000 ang comments. Kinabukasan (Sept. 26) ay umabot naman sa 1.5M ang reached, nasa 85,000 naman ang shares at 450K ang views at 900,000 ang comments.

Maraming pagkakataon na ang mga kalahok ay medyo kinapos ng kapalaran para magwagi ng malaking premyo ngunit sadyang inaalalayan ni Sen. Bong ang mga tumitili, umiiyak, sumisigaw at tila hihimatayin pa para makakuha lang ng malaking premyo.

“Hindi na kasi para pahirapan pa ang ating mga kababayan, ginagawa lang naman natin ang mga pa-contest para magkaroon ng patas ng pagkakataon ang lahat ng nakasubaybay at maging masaya lamang, pero ang gusto ko lang ay walang mabigo, mabigyan at mapasaya ang lahat dahil ayuda ang kailangan sa panahong ito,” paliwanag ng senador.

Napag-alamang ilang ulit nang isinasagawa ni Sen. Bong ang ganitong pagdiriwang upang makapiling niya ang kanyang mga tagasuporta imbes na magsagawa pa ng malaking handaan na hindi umano nararapat sa panahon ng pandemya.

Nagpasalamat din siya sa kaniyang mga kaibigan at iba pang sponsors na nagpakita rin ng pagtulong kaya mas lalo pang lumaki ang mga papremyo na umabot umano ng mahigit sa apat na milyong pisong halaga ng cash, gadgets at pangkabuhayan package.

Kaugnay nito ay nagbigay ng pangako si Sen. Bong na kahit hindi niya birthday ay muli siyang magsasagawa ng pamamahagi online at posibleng isa sa mga darating na buwan bilang maagang pamasko sa ating mga kababayan.

AUTHOR PROFILE