HEALTH

Kamalayan sa cancer itaas

February 18, 2024 People's Tonight 113 views

PERSONAL na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go, bilang chair ng Senate committee on health and demography, sa 5th anniversary celebration ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) sa SMX Convention Center sa Davao City.

“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, pinagtitibay natin ang ating paninindigan na hindi tayo basta-basta magpapatalo sa kanser. Simbolo ito ng ating pagkakaisa at determinasyong magbigay ng mas mataas na kalidad ng buhay sa bawat Pilipino. Nakatuon ito sa pagpapalawak ng edukasyon sa kanser at pagpapahusay ng mga pamamaraan sa screening ng ganitong sakit,” Go said.

Hindi lamang minarkahan ng event ang kalahating dekada mula nang maisabatas ang NICCA bagkus ay nagsilbi ring plataporma sa paglulunsad ng Philippine Integrated Cancer Control Strategic Framework para sa 2024 hanggang 2028.

Mula nang maisabatas noong 2019 sa ilalim ng Republic Act No. 11215, ang NICCA ay naging pundasyon ng batas sa kalusugan ng bans, na naglalayong pahusayin ang mga serbisyo sa cancer care at gawing mas accessible at abot-kaya ang mga ito para sa mga Pilipino.

Samantala, ang estratehikong balangkas para sa 2024 hanggang 2028 ay nagtatakda ng mga layuning itaas ang kamalayan sa kanser at pagbutihin ang pangangalaga dito, kabilang ang pagpapahusay ng mga programa sa maagang pagtuklas at screening, pagpapalawak ng access sa de-kalidad na paggamot at pagtaguyod ng mapagsuportang kapaligiran para sa mga pasyente at kanilang pamilya.

Nilalayon din nitong palakasin ang imprastraktura at workforce ng healthcare system upang mabisang pamahalaan ang lumalaking caseload ng cancer sa bansa.

“Hindi maikakaila na ang kanser ay isang salot sa ating lipunan na nagdudulot ng matinding pasakit, hindi lamang sa mga pasyente kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay. Ang cancer ay isa sa pinakakinatatakutang sakit. Kapag nagka-cancer ka, paniguradong hirap ka talaga,” ani Go.

Kinilala bilang isang “Cancer Warrior” sa paglulunsad ng Cancer Warrior PH Campaign noong Pebrero 6, iginiit ni Senator Go na ang laban sa cancer ay isang shared responsibility, at ang bagong strategic framework ay kumakatawan sa isang collective commitment para mabawasan ang epekto ng sakit na ito sa mga pamilyang Pilipino. .

Kinilala rin ng senador ang mga kontribusyon ng healthcare workers, volunteer at tagapagtaguyod na nangunguna sa layuning ito at tinawag niya silang mga tunay na bayani sa paglaban sa kanser.

Noong 2023, niraranggo ang cancer bilang pangalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority.

Tinataya ng World Health Organization ang taunang paglitaw ng 141,000 bagong kaso ng kanser at 86,000 pagkamatay na may kaugnayan sa kanser sa Pilipinas.

AUTHOR PROFILE