Default Thumbnail

‘Kalbaryo’ ng SSS beneficiaries

March 10, 2022 Allan L. Encarnacion 364 views

Allan EncarnacionKUNG nakaramdam ka ng awa sa isang matandang mahirap na nabilad sa araw at datnan-panawan ng gutom habang maghapong nakapila para kumuha ng kanyang benepisyo, malamang hindi ka taga- SSS!

Iyong pusong bato ka na nagme-makeup, nagkakape sa iyong malamig na opisina samantalang sa labas ay may nakabilad na mga tao na mistulang nagpapalimos ng sarili nilang pera mula sa mahabang taon, aba’y ang sarap siguro ng pakiramdam.

Ang malaking problema talaga natin, maraming mga taong walang pakiramdam at walang malasakit sa mga mahihirap na kababayan. Mabuti pa iyong ibang mga kandidato, kahit balatkayo, nagpapakita ng malasakit sa dukha. Sana all sa SSS!

Pero iyong ibang nasa mga ahensiya ng gobyerno, pakiramdam ng iba dyan, entitled invidividuals sila na walang pakialam sa dinaranas na dusa ng mga taong nakapila.

Hindi natin matatanggap ang palusot ng mga opisyal ng SSS na nabigla sila sa dami ng tao sa kanilang mga tanggapan dahil sa Alert Level 1 sa Metro Manila. Bakit, mahirap bang gawan ng sistema ang isang chaotic system na permanent fixtures sa tanggapan ng mga SSS?

Maraming mga tao dyan na nag-ipon pa ng pamasahe para lang malakad ang kanilang dapat makuhang benepisyo. Pamasahe lang ang pinag-ipunan, paano pa kaya ang pagkain sa maghapon habang nakapila?

Hindi ko rin alam kung mahirap para sa SSS sa dami ng kanilang pera na maglaan man lang ng tubig at biscuits sa mga taong nakapila. Sa isang banda, puwede naman sanang walang pila kung kaya lang abutin ng isip ng mga nagpapatupad ng sistema sa SSS ang pagsasaayos nito.

Halimbawa, mula 8 a.m. hanggang 12 noon, ang maasikaso lang ay 1 to 100. Iyong next 101 hanggang 200 ay para naman sa 1 p.m. to 6 p.m. slots. Iyong succeeding numbers na hindi maabot ng maghapon, pauwiin nyo na muna para hindi inaabot ng gutom sa pila! At puwede namang iyong mga hindi pa maasikaso ay paglaanan ng lounge sa loob ng SSS. Master and servants ang nangyayari dahil sa kapabayaan!

Alam nyo ba iyong pakiramdam na P50 pera mo, sagad na sagad sa pamasahe at pang-ice tubig and hopia para sa tatlong oras lang na pagpila pero aabutin ka ng 8 hours? Ang totoo, kasalanang malaki sa ahensiya ng gobyerno kung abutin ng tatlong oras ang isang tao para sa transaksiyon sa kanila.

Sa tingin natin, modern slavery ang ginagawang sistema ng SSS para pahirapan sa pagpila ang mga kababayan natin kapalit pa ng sarili nilang pera. Kumusta naman ba ang P17 million annual salary and benefits ng isa lang na opisyal ng SSS? Hindi ba masakit sa dibdib ito?

Sari-saring kuwento ng kalbaryo sa SSS ang maririnig mo mula sa ating mga kababayan. Kaya nga hindi natin alam kung bakit minamandato pa ng batas ang mga kompanya na kaltasan ng SSS contributions ang kanilang mga empleyado pero hindi naman nagpapakita ng malasakit kapag oras na singilan ng benepisyo.

Pasalin-salin na ang liderato ng gobyerno mula palasyo hanggang sa mga ahensiya pero naiiwanan ang bulok na sistema.

Hay buhay, bawasan n’yo naman ng konting pagkamanhid.

[email protected]