Default Thumbnail

Eleazar: Dagdag-sahod sa manggagawa kailangan!

March 10, 2022 Marlon Purification 1642 views

Marlon PurificationISINUSULONG ni senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagtataas ng sahod para sa mga manggagawa.

Ito’y sa gitna ng pananalanta ng COVID-19 at siyempre ang walang pagsirit ng presyo ng mga petrolyo na may direktang epekto sa presyo ng bilihin at siyempre sa bulsa ng mga uring manggagawa.

“Napapanahon na talaga upang itaas ang kanilang sahod at gawing halos kapantay ang sweldo ng mga nasa probinsya at ng mga naririto sa Metro Manila. The government should also come up with measures that will prevent the huge increases in the price of basic commodities,” ani Eleazar.

Si Eleazar, dating PNP chief at ngayo’y tumatakbo sa pagka-senador, ay nagsabing matagal na panahon nang nananawagan sa gobyerno ang mga manggagawang Pinoy na itaas ang kanilang daily minimum wage, ngunit hanggang ngayon ay hindi ito tinutugunan ng pamahalaan.

“Kung may nagiging pagtaas man sa kanilang sahod, hindi pa rin ito sapat dahil sumasabay din ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin,” ani Eleazar.

Una nang inamin ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi sapat ang P537 minimum wage, pero ipinunto na maaaring hindi pa kaya ng mga negosyo na magtaas ng pasahod.

Kabilang ang mga epekto ng COVID-19 pandemic sa dahilan ng mga kompanya kaya di makapagtaas ng pasahod sa mga manggagawa.

“Ito ang dapat aralin at isulong sa Senado. Katulong ang mga pribadong sektor, sisiguraduhin kong maitataas ang sahod ng mga manggagawa sa paraang hindi naman malulugi ang mga negosyo. Babalansehin natin ito,” ani Eleazar.

Bukod sa mataas na pasahod, isusulong din ni Eleazar ang karagdagang benepisyo para sa mga manggagawa, kabilang na ang para sa kanilang kalusugan at edukasyon ng kanilang mga anak.

“Ang laging kawawa ngayon ay mga manggagawang kahit anong hirap, pagod, dugo at pawis na kanilang sinusuong araw-araw, hindi sapat ang karampot nilang kita para mabigyan ng maayos na pamumuhay ang ating mga manggawa,” sabi pa ni Eleazar.

Aniya, kung talagang tunay na bayani ang turing ng estado sa mga obrero ng bansa, panahon namang ibigay sa kanila ang nararapat na minimum wage.