Kailangan ng tao ang tulong hindi pangako

January 16, 2022 Vic Reyes 192 views

Vic ReyesSIGURO mas katanggap-tanggap kung titigilan muna ang pangangampanya.

Kaysa mangampanya, tumulong muna ang mga kandidato para bigyang trabaho, pagkain at gamot ang taumbayan.

Hirap ang tao dahil sa pandemya.

Dapat ngayon ipakita ng mga kandidato ang kanilang pagmamahal sa mga botante.

Walang maniniwala sa kanila kung hanggang pangako lang ang gagawin nila.

Ngayon kailangan ng tao ang tulong at hindi pangako.

Hindi ba, Comelec Chair Sheriff Abas?

***

Mabilis talaga ang takbo ng panahon.

Kasabay ng pag-usad ng panahon, nandiyan pa rin ang bagsik ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Wala na tayong ginawa nitong nakaraang dalawang taon kundi magmukmok sa bahay dahil sa banta ng COVID-l9.

Ang masakit, lalo pang nanalasa ang virus at nagkaroon pa ng dalawang nakakatakot na variant – ang Delta at Omicron.

Kaya kaysa humupa ang krisis ay lalo tayong nalagay sa peligro.

Bumalik ang takot ng tao dahil lumobo ng husto ang bilang ng mga may sakit ng COVID-19.

Napupuno na naman ng pasyente ang mga ospital, lalo sa Metro Manila.

Napilitan na namang maghigpit ang gobyerno.

Kaya simula bukas, Lunes, ay hindi na puedeng sumakay sa mga PUV ang mga ‘di bakunado sa Metro Manila.

Siguradong maraming aangal dito pero ginagawa lang daw ng gobyerno ang magagawa para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Ang problema lang ay dala-dala na ng hangin ang virus.

Hindi naman natin kayang patigilin ang hangin, na nagbibigay sa atin ng hininga.

Kaya masyadong abala si Pangulong Duterte sa mga nalalabi niyang araw sa Malakanyang.

Hindi naging mabait ang panahon kay Duterte sa mga huling araw ng kanyang panunungkulan.

Puro problema ang inabot ng kanyang administrasyon.

Dahil sa sakit at kalamidad ay ubos ang pera ni Juan dela Cruz.

Ang maganda lang ay naging matatag naman ang gobyerno at tayo sa kabila ng mga problemang dumating sa atin.

***

(Para sa inyong komento at subestiyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/email:
tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE