Default Thumbnail

Kailangan natin ang tulong ng ibang bansa para mapalago ang ekonomiya

August 13, 2023 Vic Reyes 262 views

Vic ReyesDUMALO ang tatlong matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting na ginanap kamakailan sa Seattle, Washington, Estados Unidos.

Ang miting ay dinaluhan nina Depcom Edward James A. Dy Buco, MICP District Collector Romeo Allan Rosales at District Collector Carmelita “Mimel” Manahan Talusan ng Port of Subic.

Sa limang araw (Agosto 1-5) na APEC meeting ay iba’t ibang sessions ang dinaluhan ng tatlong representante ng BOC.

Noong Agosto 2 ay dumalo sila sa APEC Customs Business Dialogue na may temang “Women in Trade.”

Ang APEC meeting ay dinaluhan din ng mga taga-Estados Unidos, China, Russia, Japan, Australia at ang iba pang miyembro ng Assoiciation of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na “during the sub-committee on customs procedures sessions from August 3 to 5, the BOC delegation took the lead in discussing key subjects.”

Sa nasabing statement, isinaad din na ang BOC ay “committed in fostering the relationships established during the five-day meeting and will continue to work with other APEC members.”

Tama lang na dumalo ang Pilipinas sa nasabing APEC meeting dahil kailangan natin ang tulong ng ibang bansa at grupo para mapalago ang ating ekonomiya.

***

Noong Agosto 8 ay pinasinayaan ng Bureau of Customs (BOC), sa pangunguna ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang bagong opisina ng “Sub-Port of Laoag.”

Ang fully-equipped na bagong padilidad ng Sub-Port of Laoag, na nasa ilalim ng Port of Aparri, ay situated sa Laoag International Airport sa Ilocos Norte.

Ang inugurasyon ay dinaluhan din nina Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc, Apayao Gov. Elias Bulut Jr., IN Vice Gov. Cecilia Araneta Marcos, Batac City Mayor Albert D. Chua, at Currimao Mayor Edward Quilala.

Kagaya ni Pangulong Marcos, si Commissioner Rubio ay isa ring Ilocano na tubong Batac City.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Commissioner Rubio na karangalan niyang lalong ilapit ang BOC services sa mga Ilocano, lalo na sa mga taga-Ilocos Norte at kalapit na probinsiya.

Pinasalamatan naman ni Sub-Port of Laoag Collector R. Baviera ang pro-active and unwavering support nina Commissioner Rubio at Port of Aparri acting District Collector Elenita A. Abano.

Saludo siya sa “dedication and diligence of the entire workforce of the Port of Aparri.”

Maganda ang ginagawa ng BOC leadership na ilapit ang serbisyo ng ahensya sa taumbayan para hindi mahirapan ang stakeholders, lalo na ang mga importer at broker.

Ito ay naaayon sa layunin ng gobyerno nasyonal na lalong pabilisin ang mga transaksyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.

***

Umiinit na naman ang West Philippine Sea isyu bunga ng huling pagbomba ng tubig ng China Coast Guard sa dalawang supply vessels ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Kawawa naman ang ating mga kababayan na maghahatid lang ng tubig, pagkain, gamot at iba pang basic necessities sa ating mga sundalong nagbabantay sa barkong Sierra Madre.

Ang mahirap lang maintindihan ng isang ordinaryong Pinoy ay kung bakit tayo pinagbabawalan ng China na pumunta sa lugar na nasa loob mismo ng teritoryo ng Pilipinas.

Kitang-kita naman ito na malapit lang ang Ayungin Shoal sa isla ng Palawan.

Mabuti na lang at nagsalita si Pangulong Bongbong Marcos na hindi natin aalisin ang Sierra Madre at hinding-hindi tayo papayag na lisanin natin ang lugar.

Sinabi pa ng Presidente na atin ang mga islang gustong angkinin ng China sa West Philippine Sea.

Sa totoo lang, wala naman tayong magawa kundi daanin sa diplomasya ang pagdepensa sa mga teritoryo natin.

Kaya, bilang Pilipino, kailangang suportahan natin ang mga desisyon ng gobyerno nasyonal.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa # 0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE