Default Thumbnail

KAGULUHAN

January 29, 2024 Joey C. Papa 120 views

JoeyNAGUGULUHAN, natatakot, nalilito ang mga pangkaraniwang Pilipino sa nangyayaring “kaguluhan” sa pulitika at ekonomya ngayon sa bansa.

Yaong mga inaasahang ilang lider na bansa ay nasasangkot sa matitinding bangayan.

May ilang lider naman ang nananawagan ng katiwasayan sa mga kaguluhang ito.

Ngunit ano naman talaga ang maitutulong sa mahihirap na Pilipino ng mga bangayan?

Hindi nga naman nito mapapababa ang presyo ng gasolina, diesel, kerosene na lingguhan nang tumataas ang presyo at parang wala nang pag-asang makontrol ito.

Parang nasanay na nga ang marami sa lingguhang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Dinededma na lang ‘ika nga. Namanhid na ang marami?

Ngunit alam naman natin na sa bawat pagtaas ng presyo ng gasoline at diesel automatic ang pagtaas ang lahat ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kahit ang mga tsuper na lumalaban ngayon sa “modernisasyon” at “consolidation” ay matagal nang pinahihirapan ng mga pagtaas ng presyo ng diesel at gasoline.

Susunod na pinahihirapan ng mga pagtaas na ito ay ang mga manggagawang pampubliko at pribado.

At higit sa lahat ay ang mga nanay at tatay at kanilang mga anak.

Lahat ay apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ngunit bakit tila hindi ito pinapansin at iba ang dahilan ng bangayan?

Pansariling interes nga ba ang nananaig?

Nasa panganib ang mundo ngayon kasama na ang ating bansa.

Malalang-malala na ang krisis sa Inang Kalikasan.

Hindi na tumitigil ang mga pag-ulan at pagbaha maging ang pagguho ng mga bundok sa Kamindanawan.

Habang nakararanas tayo sa Luzon ng ginaw, ang mga kababayan natin sa Mindanao ay sinasaklot ng walang tigil na pagbaha at pagguho.

Sa palagay ko’y ang krisis sa Inang Kalikasan ang dapat bigyan ng higit na malaking pansin. Urgent Do Not Delay!

Sa halip na magbangayan, magtulungan upang ayusin ang malalang kanser sa kabuhayan at kalikasan na maglalagay sa atin sa tuluyang kapahamakan.

AUTHOR PROFILE