Default Thumbnail

Senator Win: Suportahan ang MATATAG Agenda ng DepEd

January 29, 2024 Marlon Purification 129 views

Marlon PurificationPATULOY na isusulong ni Senador Win Gatchalian ang mga panukalang batas na makatutulong sa pagkamit ng mga layunin ng MATATAG Agenda ng DepEd, kabilang ang pag-angat sa performance ng mga mag-aaral.

Sa paglalahad niya ng Basic Education Report 2024, binigyang diin ni Vice President at Secretary of Education na kasado na ang pag roll-out sa MATATAG K to 10 curriculum simula School Year 2024-2025. Produkto ang MATATAG K to 10 curriculum ng dalawang taon ng pag-aaral.

Binabawasan nito ang mga required competencies mula 11,000 pababa sa 3,600, at binibigyang diin ang basic competencies tulad ng literacy at numeracy.

Para kay Gatchalian, ang MATATAG K to 10 curriculum ang isa sa mga napapanahong solusyon upang iangat ang performance ng mga mag-aaral.

Ngunit para sa mambabatas, nakabatay ang tagumpay ng curriculum sa pagpapatupad nito at sa kahandaan ng mga guro. Binigyang diin ni Gatchalian na sa ilalim ng 2024 national budget, may P777.5 milyong piso ang inilaan para sa in-service training ng mga guro, kabilang ang training ng K to 10 teachers para sa rollout ng MATATAG curriculum.

Maliban sa pagpapatupad ng mga programa para sa learning recovery, kabilang ang Catch-Up Fridays, isinusulong din ni Gatchalian ang pagsasabatas ng ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604).

Layon ng naturang panukala ang pagkakaroon ng pambansang programa sa learning recovery na tutugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19 at upang patatagin ang numeracy at literacy ng mga mag-aaral.

Iniulat din ng Pangalawang Pangulo na patuloy na nirerepaso ng kagawaran ang senior high school. Upang iangat ang kahandaan ng mga senior high school graduates sa trabaho, isinusulong ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act (Senate Bill No.2367) na layong paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, academe, at mga katuwang sa pribadong sektor. Ito ay upang matiyak na handa ang mga senior high school graduates para sa kolehiyo, middle-skills development, employment, at pagnenegosyo.

Para mataguyod naman ang kapakanan ng mga guro na binigyang diin ng Pangalawang Pangulo, isinusulong ni Gatchalian ang pagsasabatas sa Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 4670).

Layon ng naturang panukala na bawasan ang oras ng pagtuturo mula anim pababa sa apat. Ipinagbabawal din ng panukalang batas ang pagbibigay ng non-teaching tasks sa mga guro at isinusulong ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, longevity pay, at special hardship allowance batay sa itatalagang mga pamantayan.

“Bagama’t nagpapatuloy ang mga hamong kinakaharap natin sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa bansa, nananatili ang ating determinasyong maabot ang mga layunin ng MATATAG agenda, itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro, at tiyaking walang batang mapag-iiwanan,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.