Kababaihang entrepreneur balik-hanapbuhay sa Gilas Training ng Malabon

September 20, 2021 Edd Reyes 259 views

SA pagpapatuloy ng General Community Quarantine (GCQ) with alert levels, tiniyak ng pamahalang lungsod ng Malabon na may hanapbuhay at pangkabuhayan ang kanilang mga mamamayan.

Kabilang dito ang pagtanggap ng skills training at tulong pangkabuhayan ang mga kababaihang medium and small medium enterprise MSME owner kung saan maipagpapatuloy ng mga ito ang kanilang kayod sa gitna ng pandemya.

Ani ni Councilor Jose Lorenzo Oreta “Enzo” Oreta na tumatayong Chairperson of the Committee on Labor, Trade, and Industry at Chairperson din ng \Committee on Women, Family, and PWD, sa pamamagitan ng GILAS Training, mahigit 200 sa naunang batch at 200 pang muli bago matapos ang taon, ang makikinabang sa mga dagdag-kaalaman at tulong pangkabuhayan na halagang P5000 bawat isa.

“Napakalaki ng ambag ng mga women entrepreneurs sa patuloy na pag-asenso ng ating lungsod kaya ngayong humaharap sila sa mga pagsubok ay nandito tayo upang suportahan silang ituloy at makabangong muli sa kanilang mga buhay,” pagdidiin ni Oreta.

Ang online training ay naisakatuparan sa tulong na rin Gender and Development (GAD) Center ng Malabon at CDO (para sa food industry), PLDT at Smart (para sa internet access), at BanKo (para sa access sa karagdagang kapital na abot-kaya).

Samantala, malaki ang pasasalamat ng mga kababaihang entrepreneur na nakinabang sa nasabing programa. Ayon kay Deboura Nelia Gargaritano ng Brgy Longos, “Malaki pong hamon para sa aming mga business owners ang pandemya pero nagpapasalamat kami na hindi kami pinabayaan at patuloy ang pagtulong sa amin. Nawala yung takot namin na lahat ng ipinundar namin sa aming negosyo ay mawawala.” pagtatapos niya.

AUTHOR PROFILE