Isko malaki ang tiwala na Maynila alaga kay Honey

September 22, 2021 Francis Naguit 181 views
Isko & Ong
Makikita sa larawan sina Manila Mayor Isko Moreno at ang kanyang running mate bilang Vice President na si Doc Willie Ong. Kasama nila ang kanilang mga maybahay na sina Misis Dainne Domagoso at Misis Liza Ong. Kuha ni JON-JON REYES

IPINAGKAKATIWALA din ni Manila Mayor Isko Moreno kay Manila Vice Mayor Honey Lacuna ang pagiging punong ehekutibo ng lungsod at nanawagan din ang alkalde sa kanyang mga kasamahan sa city hall na ituloy ang trabaho ng mga ito sa kabila ng kanyang pag-anunsyo na siya ay tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections.

Sinabi ni Moreno na kumpyansa siya na ipagpapatuloy ni Lacuna ang kanyang mga nagawa para sa lungsod.

Sa ginawang Zoom meeting ni Moreno sa kanyang mga department heads sa city hall, sinabi nito na matapos ang araw ng kanyang pag-anunsyo ng kanyang kandidatura ay dapat ay balik sila sa ordinaryong araw.

Tuloy dapat aniya ang serbisyo sa tao at nais nitong tumutok lang ang kanyang mga kasamahan sa city hall sa pagtulong sa tao.

Kasabay nito ay tiniyak din ng alkalde na patuloy pa rin ang takbo at walang humpay na gobyerno sa Maynila at gagawin nito ang kailangan niyang gawin bilang alkalde ng Maynila.

Ayon pa kay Moreno, malaki ang naging tulong ni Lacuna sa naging responde ng pamahalaang lungsod sa COVID-19 at tiwala ito na mapapangangalagaan ni Honey ang lungsod ng Maynila.

Nanindigan naman si Doc Willie Ong na hindi siya maninira ng kanyang mga kalaban sa pagka ikalawang pangulo ng bansa.

Sinabi ng butihing doktor na nais niya lang makatulong sa publiko. Dagdag nito na magtitiis siya sakaling pulitikahin ng kanyang mga makakalaban pero ang kanyang paninindigan ay ang makatulong sa mga may sakit. Sinabi niya rin na kahit matalo pa siya sa darating na halalan ay ipagpapatuloy niya ang patulong sa lahat ng Pilipino.

Healing President

Tiniyak din ni Moreno na kung palarin ay magiging healing president siya. Dagdag niya na handa siyang makipagtrabaho kahit kanino, kahit ito ay mula sa administrasyon o oposisyon. Tiniyak niya rin na itutuloy niya ang mga Build Build Build projects ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapakipakinabang sa tao. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE