Default Thumbnail

Init, tagtuyot at kawayan

July 9, 2023 Joey C. Papa 397 views

JoeyNITONG nakaraang Lunes naitala ang pinakamainit na panahon sa buong mundo. Sumunod ang Huwebes at Biyernes na idineklara ring mainit.

Kung naging mainit sa ibang panig ng mundo, lalong higit na mainit sa ating bansa dahil tropical country tayo. Gayunman, kahit nasa tropical zone tayo, noong unang panahon ay hindi ito iniintindi dahil masarap sa pakiramdam ang tag-araw.

Masarap pa ngang maligo sa beach noon kahit tag-araw. Hindi nakasusunog ng balat. Hindi pa uso noon ang mga anti-skin burn lotion. Masarap ang summertime noon, ika nga.

Hindi na tulad noon ang tag-araw ngayon. Tag-init na ang tawag dahil litiral na mainit. Hindi lang warmg. Nakasusunog na ng balat ang init. Gusto ito noon ng mga turistang puti dahil habol nilang maging kulay tan at hindi maputla.

Ngunit may nakausap akong dayuhang puti noon. Aniya, gusto nila ang mga beach natin ngunit matindi na raw talaga ang init sa atin. Ayaw na nilang magtagal sa mga dalampasigan para mag-sunbathing. Mas gusto nilang magbabad na lang sa dagat at pagkaraan ay babalik na sila sa kanilang hotel.

Matagal nang sinabi ng organisasyon namin at naisulat sa pahinang ito na totoo ang global warming o heating at climate change. Ang mayayamang bansa na gumagamit pa rin ng coal sa halip na ecological renewable source of energy ay nagbubulag-bulagan pa rin. Tinatambakan pa rin tayo ng mga single-use plastic na kumubkob na sa ating karagatan, hangin at mga pagkain. Plastic pollution! Ang coal ang pinakamalupit na pollutant ng ating kalawakan. Binutas na nito ang payong ng mundo o ozone layer kaya pasok na pasok ang init ng araw.

Ang matinding init ay nagdudulot ng tagtuyot sa bayan. Apektado ang suplay ng tubig, agrikultura, edukasyon, at ekonomiya!

May pag-asa pa rin naman kahit na walang nangyayari sa mga taun-taong international conferences na ang layunin “kuno” ay matalakay ang paglutas sa patuloy na pag-init ng mundo. Pero panlilinlang pa rin ang ginagawa nila sa mga bansang tulad ng Pilipinas na isa sa mga pinakaapektado ng global heating at climate change.

Ilang ulit ko na ring iminungkahi ang malawakan at maramihang pagtatanim ng lahat ng uri ng kawayan sa ating kagubatan at kabundukan. Isang uri ng damo ang kawayan kaya madali itong itanim, tumubo, lumaki at kumalat. Mabilis na magagawa ang reforestation sa pamamagitan ng kawayan.

Ginawa na namin ito noong bago mag-pandemic. Nagtanim kami sa isang watershed ng Tanay Rizal ngunit tinutulan ito ng mga illegal occupants o speculator na hindi naman residente ng Tanay.

Pinuputol nila ang mga kawayan kahit katatanimat kauusbong pa lang. Sinabi ng mga residenteng magsasaka ng Brgy Laiban na hindi daw nila kasi maibebenta ang lugar kung ito’y puno ng tanim at masukal. Katwiran ‘yan ng mga “illegal occupants!” Tutol ang mga taga-Laiban sa ginagawang ito ng mga “illegal occupants.” Ngunit wala ‘umanong magawa ang mga taga-Laiban dahil armado ang mga “iligal.” Ibinebenta ‘umano ng mga iligal ang mga lupa sa murang halaga sa mayamang “kapitalista.”

Dapat patigilin ng gobyerno ang pandarambong ng ating mga kagubatan at kabundukan!

Watersheds are beyond the commerce of men. It is owned by the State.

Ipinaabot namin sa pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources Rizal Provincial Office ang naging problema namin ngunit hindi naman pinansin ang kanilang paanyaya sa isang pulong ng mga “naka-posisyon.” May nagmungkahi na papuntahin ang mga pulis sa lugar at paalisin sila ngunit wala ring nangyari. Iilan lang sa maraming kawayang itinanim namin ang nabuhay. Sino ang protektor ng mga “iligal?”

Ngunit sige, tanim lang ng tanim ng lahat ng uri ng kawayan. Mahusay itong humigop ng usok-lasong polusyon. Mas mabilis lumago kaysa mga puno. Malamig ang ibinabalik nitong hangin sa kapaligiran at komunidad ng mga tao. Sa palagay ko’y higit na magtatagumpay ang pagtatanim o reforestation kung mga pribadong organisasyon, NGOs, Peoples’ Organizations o POs ang magtatanim. Maraming kumplikasyon kung burukrasya ang magsasagawa nito. Maaari na lang silang umalalay ng matapat.

Napatunayan ko ang mabilis na paglaki ng kawayan. Mismo sa bahay ko ay nagtanim ako ng giant bamboo. Kaya lang nang lumaki ito, lumapad ang ugat at naghanap ng lupang magagapangan upang magpalawak at magpadami kaya pinutol ko ang mga ito at dinala sa isang lugar sa Antipolo kung saan may malawak na lupa ang isang kaibigan.

Mayroon pa rin akong “yellow bamboo” na puwedeng ornamental dahil sa ganda ng kulay nito. Pwede rin sila sa mga bundok. Ngunit higit na makakatulong ang mga uri ng kawayan tulad ng bayug, iron bamboo, giant bamboo, at marami pang iba sa kabundukan at kagubatan. Napakadali nitang itanim. ([email protected])

AUTHOR PROFILE