Default Thumbnail

Indian nat’l ninakawan ng ka-eyeball sa motel

September 5, 2023 Melnie Ragasa-limena 294 views

TINANGAY umano ng isang babae ang motorsiklo at pera ng isang bumbay na tumangging magbayad matapos ang kanilang date sa isang motel sa Quezon City nitong Martes ng umaga.

Sa report ng Quezon City Police District Station 15, nangyari ang insidente pasado alas-dos ng madaling araw ng Setyembre 5 sa isang apartelle sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City.

Ayon sa 34-anyos na biktima, nakilala niya ang suspek na si “Basha” sa isang social media site noong Hulyo 18, 2023.

Napagkasunduan umano nilang magkita sa nasabing apartelle.

Unang dumating ang suspek kasunod ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo.

Nagcheck in umano ang dalawa ala-una ng madaling araw.

Nang makapasok na umano sila sa isang kuwarto ay hiningi umano ng suspek mula sa biktima ang kabayaran para sa kaniyang serbisyo na agad na tinanggihan ng biktima sa pagaakalang magkarelasyon silang dalawa.

Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ng kuwarto ang suspek at hindi na bumalik.

Huli na ng mapansin ng biktima na nawawala na ang susi ng kaniyang motorsiklo, maging ang P2,000 na nakalagay sa bulsa ng kaniyang pantalon at ang kaniyang iPhone 14 Pro Max na nagkakahalaga ng P66,000.

Nang lumabas ang biktima ay wala na ang kaniyang motorsiklo na naka-park sa labas ng apartelle.

Agad na nagreport ang biktima sa pulisya.