Valdez4

Imbestigasyon patuloy sa pagkamatay ni Ronaldo Valdez

December 18, 2023 Melnie Ragasa-limena 277 views

Idineklarang dead on arrival sa St. Luke’s Hospital ang beteranong aktor na si Ronaldo Valdez matapos matagpuang naghihingalo sa loob ng kanyang bahay nitong Linggo sa Quezon City.

Si Valdez, Ronald James Dulaca Gibbs, sa tunay na buhay, 76, ng Unit 25 Casa Nueva Homes, No. 15 Manga St., Barangay Mariana, New Manila, Quezon City.

Batay sa report ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), si Valdez, Ronald James Dulaca Gibbs, sa tunay na buhay, 76 ay nadiskubreng naghihingalo ng driver nito na si Angelito Oclarit, dakong alas 3:20 ng hapon sa loob ng bahay nito.

Nakaupo sa silya ang aktor habang hawak ang caliber 45 na baril.

Sa pagsisiyasat ng SOCO Team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt. Aldhrin Domingo nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang sentido ang aktor.

Agad na kinontak ni Oclarit ang anak ng aktor na si Janno Gibbs.

Sa isang pahayag ay sinabi ng QCPD na patuloy ang masusing imbestigasyon sa sanhi ng pagkamatay ng aktor.

“We understand the importance of this matter; hence, we are working diligently to gather all relevant facts and evidence.

We assure the public that any findings from the investigation will be officially released. We also urge the public to refrain from concluding and respect the family’s request to grieve in private,” ayon sa pahayag.