
Empleyado ng Maynila may special incentive
SINABI ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan na nagpasa ng ordinansa ang Sangguniang Panlungsod na magbibigay ng Special Recognition Incentive (SRI) sa lahat ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan
“Ipinasa ng Konseho ng Maynila sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo Nieto ay ang ordinansa noong isang linggo para sa Special Recognition Incentive ng bawa’t kawani dito sa Maynila.
Umasa po kayo, kahit hindi umabot sa Pasko dahil matagal po ang pagpo-proseso niyan, puwede na pong gawin ang mga kinakailangang dokumento para po matanggap nyo ang inyong incentive,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.
Ayon sa alkalde, kung hindi siya nagkakamali kabilang ang mga job order employees sa mga makakatanggap ng SRI.
“Yan po ay sa tulong ng ating local finance committee at sa masinop nating pangangasiwa sa pondo ng ating lungsod,” sabi pa ng alkalde.
Nauna rito, pinasalamatan ng alkalde ang iba’t-ibang grupo at indibiduwal, kabilang ang tanggapan ng Unang Ginang Liza Araneta Marcos dahil sa pagkakaloob ng tulong sa mga Manilenyos.
Binanggit ng alkalde ang JCI Manilena, isang grupo ng mga kabataang kababaihan, na magdadala ng tulong sa bawa’t pamilyang nawalan ng tirahan sa malaking sunog na naganap sa Barangay 105 Happy Land kamakailan sa Tondo.
Pinasalamatan din niya si Secretary Bienvenito Laguesma ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbibigay ng 100 food cart na kanilang ilalaan sa mga kuwalipikadong solo parents, senior citizens at persons with disabilities (PWDs) para makapagsimula ng maliit na negosyo.
“Magtu-turn over din po ngayong ang tanggapan ng Unang Ginang, Liza Araneta Marcos ng kanilang Love for All Mobile Clinic thru the Bloomberry Culture Foundation na magdadala ng de-kalidad na serbisyong medikal,” pahayag pa ng alkalde.
Sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na ang Manila Health Department (NHD) sa pangunguna ni Dr. Arnold Pangan, ang tatanggap ng mobile clinic na magkakaloob ng libreng serbisyong medikal sa mga mahihirap na residente.