Default Thumbnail

Ikatlong rebolusyon ng urbanisasyon

November 19, 2022 Magi Gunigundo 703 views

Magi GunigundoAng pandaigdigang populasyon ay inaasahang aabot sa 9.3 bilyon tao pagsapit ng 2050 at halos lahat ng pagtaas sa populasyon ay nakapisan sa mga lungsod ( United Nations, 2012).Kailangan itong paghandaan maigi.Hindi uubra ang mga panakip butas at popular na patakaran na lalong babalda sa Pilipinas sa karera ng kaunlaran.

Mayroon tatlong rebolusyon ng siyudad sa kasaysayan ng tao. Ang una ay nagsimula noon 8000 BCE sa mga unang pamayanan na nagtatag ng lungsod at nagpatuloy ito hanggang sa magkaroon ng permanenteng pamayanan sa ilang kontinente. Ang ikalawa ay noon 1750 at tumagal ito ng dalawang siglo sa pagtataguyod ng teknolohiya ng rebolusyong industriyal na nagpabilis ng paglaki at pagyaman ng mga lungsod sa Europa at Hilagang Amerika.

Ang ikatlong rebolusyon ng siyudad ay tinaguriang modernong urbanisasyon at ito ay kasalukuyang nagaganap ngayon(John Macionis ,2015). 78% ng mga tao sa mga industriyalisadong lipunan ay naninirahan sa mga lungsod. Nakakagulat ang matinding paglago ng mga lungsod sa mga bansang mahirap. Noon 1950, humigit-kumulang 25% ng mga tao sa mahirap na bansa ang naninirahan sa mga lungsod. Pagdating ng 2008, mahigit sa kalahati ng populasyon sa mga bansang ito ay naninirahan na sa mga lungsod ( Population Reference Bureau, 2012).

Noon 1975 tatlong lungsod lamang sa mundo: Tokyo, New York at Mexico City, ang may populasyong higit sa 10 milyon marka. Pagdating ng 2011, 23 lungsod na ang nakaabot sa 10 milyon marka, at lima lamang sa kanila ang nasa mga bansang industriyalisado. Pagsapit ng 2025, tinatayang 14 pang “megacities” ang idadagdag sa listahan at dalawa lamang sa 14 na ito ang nasa bansang industriyalisado(9 sa Asia, 2 sa Latin America, at 1 sa Africa) (Brockerhoff, 2000; United Nations, 2012).Bunga ito ng papaunlad na buhay dahil maraming mahihirap na bansa ang pumasok sa mataas na paglago Stage 2 ng “demographic transition.” Hindi man lang pumasok sa Stage 1 ang Pilipinas noon 2000( Dennis Mapa, 2015).

Milyun-milyong tao ang umaalis sa kanayunan bawat taon para magtungo sa mga siyudad upang maghanap ng trabaho, tumanggap ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at mga serbisyo tulad ng malinis na maiinom na tubig at 24 oras na kuryente.

Ang mga lungsod ay nag-aalok ng mas maraming pagkakataon kaysa sa mga nayon, ngunit hindi sila nakakapagbigay ng agarang solusyon sa napakalaking problema na hatid ng pagkipot ng espasyo bunga ng lumalaking populasyon at matinding kahirapan. Maraming mga lungsod -kabilang ang Mexico City, Cairo, Kolkata, at Maynila- ay hindi makatugon sa mga pangunahing pangangailangan ng karamihan sa kanilang populasyon. Polusyon, walang mahusay na pampublikong transportasyon,kulang na pabahay at mga liwasan ng buhay at libingan ng patay, at seguridad sa pagkain ay ilan lang sa mga problema ng mga siyudad. Ang mga tambakan ng lungsod ay tahanan ng libu-libong mahirap na tao, na nagkakalkal ng basura upang makahanap ng pambibili ng pagkain sa araw- araw.

Si Ferdinand Tonnies(1855-1937) , isang Sosyolohistang Aleman, ay nakabuo ng dalawang konsepto na naglalarawan sa pagkakaiba ng buhay sa lungsod at nayon. Sa panlipunang organisasyon na “Gemeinschaft”, matimbang sa lipunan sa nayon ang mga relasyon ng pagkakamag-anak at tradisyon. Kita ito sa gayak sa piyesta at “roll call” sa lamay at libing. Halos magkakakilala at magkakamag-anak, at mahirap maglihim sa ganitong pamayanan. Samantala, sa panlipunang organisasyon na “Gesellschaft” , namamayani ang pangsariling interes ng indibidwal sa lipunan sa lungsod at nasasapawan nito ang pagnanais na tumulong na mapabuti ang kapakanan ng lahat. Pinahina ng urbanisasyon ang matalik at pangmatagalang relasyong panlipunan na nakikita sa nayon. Hindi nangangahulugan na ang mga taga-lungsod ay makasarili at walang habag at pakialam sa iba; pinananatili lang nila ang kanilang distansya bilang diskarte sa kaligtasan upang maituon nila ang kanilang oras at lakas sa mga tao at mga bagay na talagang mahalaga sa kanila (Georg Simmel).Ang lipunan sa lungsod ay nag-aalok sa mga tao ng mas maraming pagpipilian; imbes na igiit ang tradisyon, moral na pagpaparaya ang umiiral upang hindi magtalo ang mga etnikong lahi na nagkikiskisan sa lungsod ; at mas mahabang oras na pribado ang naiuukol para sa sarili na tago sa madla. Hindi ito nakapagtataka sapagkat sa laki ng populasyon ng isang siyudad, 99% ng tao dito ay hindi magkakakilala. May nawawala sa proseso ng urbanisasyon, ngunit maraming kapalit ang natatamo dito(Emile Durkheim).

Tinuro ni Aesop sa kwento tungkol sa mga dagang taga bukid at taga lungsod na mas mainam na raw ang kahirapan na may kapanatagan kaysa sa kasaganaan na napapalibutan ng takot at walang tiyak na kaligtasan ng buhay. Dama ng maraming mahirap pa sa daga, sa nayon man o sa lungsod, ang pabigat ng pabigat na laban sa gutom araw araw. Kung matututuhan lamang gamitin ng Pilipino ang rasyonal na pag-iisip, marahil mas magaan makatawid sa buhay araw araw dahil ang mga lider na binoboto ang pinakamahusay sa mga kandidato, na may kahanga-hangang pagtitimpi na mapagwagian ang pansariling interes , at may konkretong programa na pinapatupad ng may tapang ang seryosong ideya para talunin ang mga dambuhalang halimaw ng lipunan, tulad ng mga dinastiyang pulitikal , na ganid at sakim sa kayamanan ng Pilipinas na dapat sana ay pinapakinabangan ng lahat.

AUTHOR PROFILE