Default Thumbnail

Hubaran ng maskara ang sindikato sa BI

January 23, 2024 Paul M. Gutierrez 100 views

PaulSARIWA pa sa memorya ng publiko ang “pastillas scam” na kinasangkutan ng ilang tiwaling kawani ng Bureau of Immigration (BI) noong nakaraang administrasyon, at ngayon, “bida” na naman ang ahensiya sa panibagong kontrobersiya.

Sa paunang ‘estimate’ ni DOJ Secretary Jesus Crispin ‘Bossman’ Remulla, apat sa mga abogado ng BI Legal Department ang unang mga suspek sa pagbibigay ng working visa sa mga dayuhan gamit ang mga pekeng korporasyon at sole proprietorship.

Aber, sa kanya ngang press conference sa DOJ kung saan tayo nagmiron, halatang “buryong” si Bossman sa raket na noon pa palang isang taon niya tahimik na pinabubusisi.

At dahil kilala natin ang “kalibre” ni SOJ Remulla, natitiyak natin na may mananagot at may “gugulong na (mga) ulo” sa ahensiya.

Papalabas tayo ng DOJ matapos ang press con noong isang linggo, nakita pa nga natin na “nakapila” (para maboldyak?) si BI Commissioner Norman Tansingco sa hallway ng DOJ.

Panahon na para tuluyang linisin ang Immigration, dahil madalas itong masangkot sa anomalya at katiwalian. Tila hindi natatakot ang mga sindikato “sa loob” dahil sa kabila na may mga napaparusahan, ay patuloy pa rin sa mga iligal na gawain ang mga “bugok” na kawani.

Marahil ay talagang malaking halaga ang pinag-uusapan sa mga iligal na transakyon na tulad nito. Isipin n’yo mga kabayan, hindi na isinaalang-alang ang kanilang propesyon bilang mga abogado, bukod pa sa posibilidad na makasuhan sila at makulong.

At tila hindi isang simpleng modus ang nagaganap na pagbibigay ng mga pekeng working visa. Kung sangkot din ang ilang mga opisyal ng iba pang ahensiya ng gobyerno, malalaman natin yan kay SOJ Bossman sa mga susunod na araw.

Bakit natin nasabi ito? Dahil bukod sa mga abogado, ay mga kasabwat pa umano na 79 ‘accredited liaison officers’ ng mga ahensiya na may transaksyon sa BI at mga kaugnay na ahensiya katulad ng DOLE, DFA, etc.

Kung ganito karami ang sangkot, eh, maraming “kliyente” ang pinag-uusapan dito.

Naniniwala rin tayo dear readers, na sa lawak at dami ng mga sangkot sa operasyon, na matagal nang nagaganap ang “kalakaran” na ito sa BI. At umaasa tayo, na ang imbestigasyon na inutos ni Secretary Boying, ay marami pang malalantad na “modus” at mga sangkot sa sindikato sa loob (at labas) ng BI.

Abangan!

AUTHOR PROFILE