Default Thumbnail

Honeymoon period

June 17, 2022 Allan L. Encarnacion 281 views

Allan EncarnacionHINDI ko alam kung paano makaka-survive ang marami nating kababayang binabayo ng pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin, kawalan ng trabaho at limitasyon sa pagkilos dahil sa COVID-19.

Mabigat ang problemang daratnan ng paparating na administrasyon kaya ang panawagan natin sa lahat, ibigay natin ang suporta sa kanilang mga plano.

Ipagdasal din natin ang bagong administrasyon na magtagumpay sa pasanin na kanilang daratnan dahil hindi biro ang nakaatang na obligasyon sa kanilang mga balikat.

Hindi rin naman natin puwedeng isisi sa Duterte administration ang mga problemang nasa harap natin ngayon dahil wala sa kontrol nila ang COVID at giyera sa Russia at Ukraine. Sa parehas na pagtingin, mapupuri mo rin ang administrasyon ngayon na ma-survive ang lahat ng krisis magmula nang tumama ang COVID.

Kung hindi rin matibay ang ating pundasyon at sumamblay ang kanilang mga economic policy sa nakaraang mga taon, malamang bagsak na tayo pare-pareho. Bigyan din natin ng kredito ang Duterte administration sa matatag na ekonomya.

***

Sa bahagi naman ng PBBM, umaasa tayo na may blueprint na sila para harapin ang problema ng bansa sa mga darating na taon.

Hindi biro ang serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Noong mga nakaraang taon, sentimo lang hanggang piso ang pagtaas at matagal ang interval. Ngayon P4 hanggang P13 na ang itinataas at magkakakambal kapag tumaas. Sunud-sunod!

Gaya ng gasolina, nasa P83 na kada litro at mataas pa ngayon ang krudo. Nito lang isang araw, nagkarga ako ng unleaded gasoline. May 1/4 pang natitira sa tangke ko kaya naisip kong magpa-full tank na kasi baka tumaas na naman ang presyo kinabukasan.

Nakakagulat kasi, iyong 3/4 na kulang sa tangke, umabot na halos sa P5,000. Parang kailan lang, iyong P4,000 ay full tank na sa sasakyan ko, ngayon halos kalahati na lang pa yan!

Kaya nga iyong mga tsuper ng pampasaherong jeep ay sumisigaw na ng saklolo sa gobyerno dahil sobrang taas na rin ng kanilang ikinakargang krudo. Nasa P87.00 na ang kada litro ng diesel nang huli nating makita.

Ang mabigat, kailan lang ay pinayagan na sila ng LTFRB na sumingil ng karagdagang piso sa pamasahe para sana makatulong sa kanilang kita. Pero kinabukasan, humataw na naman ang dagdag na P4.30 sa presyo ng krudo kada litro, nalusaw na naman ang pisong taas-pasahe, may abono pa silang P3.30!

Hindi natin alam kung tapos na iyong P6,500 fuel subsidy ng gobyerno sa ating mga jeepney drivers na kailan lang ay ibinigay din sa kanila.

Hindi natin alam kung saan kukuha ng panibagong bilyun-bilyong pisong pondo ang PBMM admin para ma-sustain ang fuel subsidy kung hindi talaga maaawat ang fuel prices.

Kaya nga sana, bigyan nating ng one-year honeymooon period ang paparating na adminisrasyon para makabuwelo sila sa mga paghahanap ng solusyon sa mga problemang instantly ay sa kamay nila bumagsak.

Tulung-tulong muna para mas mabilis ang pagbangon.

[email protected]