Default Thumbnail

Gov. paki-explain; PNP naging “bobo”

June 17, 2022 Paul M. Gutierrez 328 views

PaulPALAISIPAN sa atin ngayon mga kababayan kung ano ang pumasok sa isip ng lokal na pamahalaan ng Cebu upang gawing optional ang pagsusuot ng face mask ngayong naririyan pa rin ang COVID-19. At siguro, magandang tanungin natin si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia sa paglabas niya ng Executive Order No. 16.

Hindi kasi natin maintindihan ang ganitong hakbang na sa tingin natin ay hindi pa kailangan sa ngayon lalo na may naitatalang pagtaas sa bilang ng mga nagpopositibo. Gusto nating maintindihan ang ‘rationale’ ng nasabing gobernadora pero talagang mahirap intindihin.

Isa pa, sabihin na nating may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na maglabas ng kanilang mga ordinansa pero may pangangailangan na may pagsasaalang-alang ito sa kapangyarihan ng national government.

At sa national government, mahigpit pa ring ipinatutupad ang mga minimum health protocols kabilang ang pagsusuot ng face masks.

Kaya naman maging si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ay nagbigay ng ultimatum kay Gov. Garcia na bawiin o ayusin ang inilabas na ordinansa ng lalawigan dahil hindi ito kinikilala ng DILG.

Sa pagkakasulat nito wala pang naging aksyon ang lokal na gobyerno ng Cebu sa pahayag ni Sec. Año.

Alam natin na matagal na tayong nasa pandemya at inaasahan nating maibalik ang buhay nating normal kasama na rito ang hindi pagsusuot ng face mask.

Pero hindi ibig sabihin na naka-face mask tayo ay hindi na tayo makakabalik sa normal. Ang pagsusuot ng face mask ay isang proteksyon at hindi parusa. Sa tingin natin hindi naman po mahirap ang mag-face mask.

Hindi rin po siguro rason na masabi nating marami na ang nabakunahan o may bakuna na kaya maaari na tayong maging kampante. Dahil mga eksperto na rin po ang nagsasabi na kahit na may bakuna na, maaari ka pa ring tamaan ng COVID-19—‘living example’ dito si Sec. Año na tatlong beses nasapol ng COVID.

At malinaw din sa lahat na hindi pa tapos ang pandemya. Bagama’t may mga kaluwagan na tayong natatamasa at naitawid na marahil natin ang pinakamahirap na yugto nito pero hindi pa rin nawawala ang COVID-19. Laging may banta pa rin ito ng pagtaas o muling pagkalat.

Ang punto ng pagsusuot ng face mask ay pag-iingat. Pag-iingat sa nagsusuot at sa mga nakakasalamuha. Kahit may batas o wala, sa panahon na may banta pa rin ang COVID, nararapat lang magsuot ng face mask.

May tamang panahon para magtanggal ng face mask at siyensiya na ang nagsasabi na hindi ito ang tamang panahon para doon.

Dahil kapag muling tumaas ang kaso ng mga may COVID-19 at wala na namang mapuntahan ang mga pasyente dahil punuan na naman ang mga ospital, gobyerno din ang sisisihin.

At gaano ba kasi talaga “kahirap” para sa mga taga-Cebu na magsuot ng face mask? Medyo mahirap kasi talagang intindihin. Paki-explain nga po, Gov. Garcia.

***

Kung marami ang nagalit dito kay Jose Antonio San Vicente, ang barumbagong driver na “nanagasa” sa isang security guard sa isang mall sa Mandaluyong at mabilis na tumakas, mas marami naman ngayon ang nagalit sa Philippine National Police, sa liderato, ni OIC P/Gen. Vicente Danao, dahil “sermon” lang ang inabot ng suspek at pinakawalan din agad sa palusot na walang ligal na batayan (no legal basis) ang PNP para siya ikulong.

Hindi na rin umano puwedeng arestuhin si San Vicente gamit ang ‘warrantless arrest’ dahil higit isang linggo na ang nangyaring insidente, ayon pa kay PNP spokesman, Col. Jean Fajardo.

Tama, wasto at nasa lugar na magalit ang publiko sa ginawang kabobohan na ito ng PNP.

Sa ganang atin, ano na ang nangyari sa prinsipyo ng ‘hot pursuit’ at ‘continuing crime’ na palaging ginagamit din ng pulis sa paghahanap ng mga suspek sa iba pang mga kaso na wala pa rin namang warrant of arrest?

Ang ginawa ni San Vicente, kahit hindi abogado, ay alam na agarang reckless imprudence resulting to frustrated homicide—kung ginagamit lang ni Danao ang kanyang utak at Fajardo ang kanilang utak.

Naalala tuloy natin ang pagpaslang sa Maynila, in broad daylight, kay Batuan Vice Mayor Charlie Yuson noong Oktubre 9, 2019, kung saan si Danao ang MPD director.

Nadakip naman agad ang mga suspek ng mga pulis-Maynila pero kahit ‘murder’ ang kaso, nakalaya din ang mga positibong kinilala na pumatay kay Yuson.

Bakit kanyo? Eh, paano ba naman, isa sa mga isinampang kaso sa kanila ng MPD sa ilalim ni Danao, ‘smoking in public places,’ hahaha, ayy, huhuhu!

Ang punto natin? Kung ganito ang kalidad ng namumuno sa PNP, na “pinapalambot” ang mga kaso ng mga suspek sa heinous crime eh, hindi kataka-taka na sino mang suspek na may “kapit” at “impluwensiya” pakakawalan ng pulis.

Translation? Kung “bobo cop” ang mga bosing ng PNP, asahang bobo cops din ang mga tauhan nila. Atty. Larry Gadon, pasok!

AUTHOR PROFILE