Francisco Pinuri at pinasalamatan ni MPD District Director Police Brig. General Leo ” Paco” Francisco si Lt. Col. Harry Lorenzo III at ang mga tauhan nito sa mabilis na aksyon at pagresolba sa nangyaring krimen sa lungsod ng Maynila. Photo by Jon-jon Reyes

Holdaper arestado sa MPD manhunt

January 23, 2022 Jonjon Reyes 109 views

NAARESTO sa isinagawang manhunt operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang 33 anyos na membro ng Sputnik gang, makaraan holdapin at mabaril ang isang 25 anyos na binate sa Tondo, Manila, Enero 22.

Pasado alas 12:40 ng tanghali nang mahuli sa isinagawang follow-up operation sa isang iskinita sa fish pond sa panulukan ng Dagat Dagatan, Maypajo, Caloocan City ang nakilalang suspek na si Mikko Doble Y Mateo, binata, ng Brgy.158 Zone 2 sa Tondo, Manila.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, Station Commander ng MPD Station 2 bandang alas 6:00 ng umaga nang holdapin ng suspek ang biktimang si Christian Balingcasag, isang call center agent, na mula sa Bgy. 76 Zone 6, Tondo.

Ayon sa salaysay ni Balingcasag sa pulisya, papauwi na umano siya at naglalakad sa kahabaan ng Juan Luna St. patungo sa Moriones St. sa Barangay 6 sa Tondo, isang lalaki na nakasuot ng kulay itim na jacket at naka-bullcap, nakasakay sa nakaparadang motorsiklo ang nadaanan nito.

Subalit ng makalampas ang biktima, dito na umano siya tinutukan ng suspek ng kalibre 38 na baril at saka sapilitang inagaw ang kanyang suot na sling bag ngunit nagmatigas ang biktima at nakipag-agawan sa suspek kung kaya’t siya ay binaril hanggang sa makuha ng suspek ang kanyang bag.

Mabilis na tumakas ang suspek na lulan umano ng motorsiklo patungo sa Pritil Street sa Tondo.

Naisugod naman sa Mary Johnston Hospital ang biktima at ayon din kay Dr. Jean Sabando nasa stable na ang lagay ng binate pero patuloy pa itong inoobserbahan.

Sa direktiba ni P/Lt. Col. Lorenzo nagsagawa sila nang malawakang imbestigasyon para sa agarang pagkakadakip sa holdaper sa pangunguna ni P/ Major Joseph Jimenez, hepe ng Station Intelligence Branch ng Police Station 2 at isinagawa ang manhunt operation, para mahuli ang suspek.

Sa tulong ng ilang testigo at mga kuha ng CCTV camera sa pinangyarihan nalaman nila ang pinuntahan ng suspek na ayon din sa deskripsyon ng biktima sa nasabing lugar sa lungsod ng Caloocan.

Narekober ang sling bag ng biktima at ang cellular phone nito at nakuha din kay Doble ang isang kalibre 38 baril na may dalawang bala na ginamit nito sa krimen.

Bukod sa kasong Robbery at Serious Physical Injury, nahaharap din sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) in relation to Omnibus Election Code. Nina Jon-jon reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE