Jane3

Hindi sumusuko

May 11, 2023 People's Tonight 897 views

MAHIGIT ng isang dekadang nakakulong si Mary Jane Veloso, ang kababayan nating nahatulan ng parusang kamatayan dahil sa kaso ng illegal na droga sa Indonesia.

Matatandaan na naaresto si Veloso, isang overseas Filipino worker (OFW), sa Yogyagarta noong 2010 dahil sa pagdadala ng maleta na may lamang mahigit dalawang kilong heroin.

Sa taon ding ‘yon ay hinatulan ng kamatayan si Veloso. Mula nga noon ay ilang beses ng sinubukan ng ating gobyerno na mapalaya o mapagaan man lang ang kanyang sentensya.

Lahat ng pagsisikap ng Pilipinas ay walang nangyari dahil alam naman nating lahat na ganoon ang batas sa Indonesia kung ang pag-uusapan ay illegal na droga.

Mabuti naman at hindi sumusuko ang ating gobyerno sa ginagawa nitong paghingi sa Indonesian authorities na mabigyan ng executive clemency si Veloso.

“Well, ganoon pa rin. We have not really stopped…The impasse is that we continue to ask for a commutation or even a pardon or just an extradition back to the Philippines,” sabi ni Pangulong Marcos.

Ito ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam ng media sa 42nd ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Summit at Related Summits na ginanap sa Indonesia noong Mayo 10-12.

Naintindihan natin ang mga Indonesians na kailangan nilang ipatupad ang kanilang mga batas.

Noong ngang Setyembre 8, 2022 ay hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gobyerno ng Indonesia na patawarin na ang nakakulong na dating OFW.

Pero kagaya ni Pangulong Marcos, umaasa pa rin tayo na sana’y makahanap tayo ng ibang paraan para maiuwi na natin sa Pilipinas ang ating kababayan.

Harinawang may mangyayaring maganda sa mga pagsisikap ng ating gobyerno na mapauwi na sa Pilipinas si Mary Jane Veloso.

AUTHOR PROFILE