Default Thumbnail

Gulo ang gusto sa WPS

December 22, 2022 Paul M. Gutierrez 411 views

PaulWALA ka talagang aasahan sa Estados Unidos (US) pagdating sa China kundi ituring itong kaaway at magsimula ng gulo. Syempre ang sinasawsawan nitong isyu ay ang isyu sa West Philippine Sea (WPS)/South China Sea.

Una nang pinaratangan ng Chinese embassy sa pahayag nito ang Estados Unidos na ginagatungan nito ang Pilipinas para magalit sa China dahil umano sa pagsugod at pagdagsa ng Chinese vessels sa Spratlys. Ginagawa ding isyu ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.

Ayon sa Chinese embassy, lumilikha lamang ng tensyon ang Estados Unidos sa relasyon ng China at Pilipinas gayundin sa mga bansa sa nasabing rehiyon na nagiging banta sa kapayapaan.

Nagpakita ng suporta ang Estados Unidos sa Pilipinas sa pagdagsa ng Chinese vessels malapit sa Spratly Island na malapit sa probinsya ng Palawan at nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Dahil mayroon na ring kasunduan ang Pilipinas at Estados Unidos sa bisa ng Mutual Defense Treaty, gagamitin ito ng Amerika para tumulong umano sa pagprotekta sa Pilipinas kung sakaling magkaroon ng armadong komprontasyon sa China.

Nagpaabot na rin ang Department of National Defense ng kanilang “great concern” sa diumano’y pagdami ng mga sasakyang pandagat ng Tsina sa Iroquous Reef at Sabina Shoal na nasa loob ng WPS.

Nagpahayag naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya umano hahayaang mawala sa Pilipinas kahit kapiraso ng teritoryo nito sa anumang dayuhang bansa kahit na maganda ang relasyon ng Pilipinas sa China.

Nagkita na sina PBBM at Chinese President Xi Jinping sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit para mapag-usapan ang “agawan” ng teritoryo sa WPS bagamat walang malinaw na ulat kung ano ba talaga ang na pag-usapan nila.

Malinaw dito na may layuning ayusin ni PBBM ang anumang problema sa usapin ng teritoryo sa WPS at ginagawang pagtataboy ng China sa mga Pilipino sa nasabing lugar.

Alam natin na matagal nang nagiging usapin ng mga bansa ang problema dito at nagsusumikap na magkaroon ng mapayapang pag-uusap kung paano ito mareresolba.

Pero alam natin kung bakit nais na makialam dito ng US at hindi kapayapaan ang gusto nito kundi kapangyarihan. Dahil banta sa kanilang kapangyarihan ang China, ito ang nakikita nilang pagkakataon para makontrol nila ang rehiyon. Gagamitin at gagamitin nila ang sigalot sa WPS para magalit ang mga tao sa China.

Kaya naman magiging isang malaking banta sa kapayapaan sa rehiyon ang papel na nais gampanan ng US sa pagkakaroon ng maayos na pag-uusap sa agawan ng teritoryo sa WPS.

At ito ang gusto ng US, magkaroon ng gulo at maipamukha na sila ang bibida dito.

Matagal na nilang ginagawa ito kahit pa sa kanilang pag-okupa sa Gitnang Silangan (Middle East) gamit naman ang naratibo ng terorismo. Matapos ang pag-atake sa US noong 9/11 naging agresibo na ito sa panghihimasok sa mga bansa na itinuturing nitong kaaway pero ang totoo nais nitong kontrolin sa kanilang pakinabang.

Ito rin ang nakikita nating nais gawin ng US sa Asya. Ang mapigilan ang paglawak ng kapangyarihan ng China at mapanatili nito ang kontrol sa Asya.

Dahil alam ng US ang lumalakas na kapangyarihan ng China at maging ang Russia. Ang dalawang bansang ito ang banta sa kapangyarihan ng US.

Kung hindi makapanghimasok mabuti ang US sa labanan ng Ukraine at ng Russia, nakikita nitong pagkakataon ngayon ang usapin sa WPS sa tangkang mapahina nito ang China sa isang gulong alam nilang sila ang makikinabang.

Kaya wala tayong aasahan sa US kundi lumikha ito ng gulo.

AUTHOR PROFILE