Goma

Goma, game magbalik-pelikula

January 23, 2024 Vinia Vivar 132 views

Pabor na pabor si 4th District of Leyte Representative Richard Gomez na i-live broadcast ang regular sessions na ginagawa nila sa Kongreso para mapanood ng madlang people.

Napapanood na simula kahapon, Jan. 23, ang Congress TV sa free-to-air digital channel na handog ng PTV kung saan ay makikita na ng mga tao ang regular session at iba pang impormasyon ng Kongreso o Mababang Kapuluan.

Nagkaroon ng presscon ang Congress TV noong Lunes at isa nga sa mga dumalo si Cong. Goma na nakatsikahan namin sandali. Aniya, mas maganda nga na makita ng mga tao ang kanilang ginagawa.

“I’m very, very okay (with that) para makita ng tao ‘yung trabaho na ginagawa ng congressman. Kasi, laging akala nila, negative masyado ‘yung Congress but they do not understand na ang daming trabahong ginagawa dito and very important.

“Number one, ‘yung pinakamalaking batas na ginagawa namin dito is really the budget law. Every year. ‘Yung budget ng buong gobyerno, ng buong Pilipinas, dito nagsisimula ‘yun. Ini-scrutinize namin ‘yun, tinitingnan namin as part of our mandate,” pahayag ni Goma.

“Maganda ngang ipakita rito kung ano ‘yung mga ginagawa namin sa district, ‘yung mga project na nagagawa,” sey pa niya.

Bilang isang aktor naman, natanong din namin kay Cong. Goma kung okay pa sa kanya na gumawa ng movie project at aniya, game na game pa rin siya basta may magandang script.

“’Yun ‘yung sinabi ko kay Lucy (Torres, his wife), kapag may nakita akong magandang script, I don’t mind doing one again. Kasi ngayon, mabilis na ang shooting ng movie ngayon, hindi na pahabaan, eh. Ngayon, few days lang, tapos na, eh,” aniya.

Asked kung bawal na ba siyang makipag-kissing scene, sambit niya, “Ikaw naman, sayang naman” kaya nagkatawanan.

Ang huli niyang pelikula ay ang Three Words to Forever with Sharon Cuneta noong 2018 at hindi na siya nakatanggap pa ulit dahil naging busy na siya that time bilang mayor ng Ormoc City.

“Since 2nd term ko ng mayor, bising-busy na ako talaga, eh. Pero ngayon na nasa Congress, mas light ‘yung schedule ko,” sey ng aktor/politiko.

Samantala, ang Congress TV, ay mapapanood araw-araw, 9 a.m. hanggang 9 p.m., nationwide sa digital channel 14 sa Metro Manila ng PTV at online sa social media pages nito sa Facebook, YouTube, Instagram at X.

Samantala, ito ay nasa Channel 46 sa GMA Affordabox at Channel 02 sa ABS-CBN TVPlus.

Sa pamamagitan ng Congress TV, makikita ng publiko ang proseso ng paggawa ng desisyon ukol sa pagbuo ng mga batas ng ating bansa sa pamamagitan ng pag-feature sa mga sesyon ng House of Representatives.

“Viewers will have the opportunity to witness the discussions, debates and deliberations of Congress during its regular sessions,” ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

Ang People’s Television ay napapanood ng mga milyun-milyong Pilipino sa pamamagitan ng 16 analog transmitting stations at six digital transmitting stations sa Luzon, Visayas at Mindanao, pati na global na komunidad sa pamamagitan ng mga online platform at official social media page.

AUTHOR PROFILE