Default Thumbnail

Ginang sugatan sa hataw ng dustpan

February 14, 2023 Melnie Ragasa-limena 265 views

SUGATAN ang isang ginang matapos na hatawin ng dustpan ng kapitbahay dahil umano sa sobrang ingay habang nakikipag-inuman sa kaniyang mister sa Bgy. Payatas, Quezon City, Lunes ng gabi.

Ang 37-anyos na biktima ay patuloy na ginagamot sa East Avenue Medical Center matapos na magtamo ng malalim na sugat sa ulo.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Payatas Bagong Silangan Police Station 13, bandang 9:30 ng gabi (Pebrero 13), nang maganap ang insidente sa Bgy. Payatas sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinita umano ng suspek ang biktima at ang mister nito dahil sa sobrang ingay habang nag-iinuman, na aniya ay hindi makatulog umano ang kaniyang anak na may pasok pa sa eskuwelahan kinabukasan.

Dahil dito kinompronta ng biktima ang suspek hanggang sa magkasabunutan ang dalawa at nang makadampot ng dustpan ang suspek ay agad na hinataw sa ulo ang biktima.

Mabilis namang umawat ang mister ng biktima at ang mga tanod na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.

Nahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek.