Default Thumbnail

Garantiya ng gobyerno; SC decision, irespeto

June 12, 2023 Paul M. Gutierrez 240 views

PaulBAGO ang lahat, paumanhin sa mahabang “bakasyon” dito sa aking column sa People’s Tonight. Masyado kasi tayong naging abalá matapos maitalaga ni PBBM bilang bagong executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) nitong Mayo 25.

Pasasalamat naman at isang matunog na ‘I love you Mommy Tess L!’ dahil sa mahabang pang-unawa at pasensiya sa atin ng ating editor dito na si Mommy Tess Lardizabal at mga “bosing” natin sa editorial board ng ating pahayagan.

***

Nailabas na ng PTFoMS ang litrato ng gunman sa ‘Cris Bundoquin case’ na si Isabelo Lopez Bautista. Si Bautista ang itinurong suspek ng mga witnesses na bumaril at nakapatay kay Cris, local radio blocktimer sa Calapan City, Oriental Mindoro, noong Mayo 31.

Mandato naman ng ating ahensiya na tiyakin ang buhay, kaligtasan at kalayaan ng lahat ng mamamahayag kaya nga sa tulong ng iba pang law enforcement agencies, nakatutok tayo sa pagresolba ng kaso ni Cris at pagbibigay ng hustisya sa kanyang pamilya.

Ngayon namang lumabas na ang litrato ni Bautista, naniniwala tayo na mas magiging mabilis na ang pag-aresto sa kanya.

Nagpapasalamat din tayo sa ating mga kabaro sa midya, parikular sa Mindoro, sa kanilang ginawang pagtugon sa ating panawagan na tulungan ang PTFoMS na maresolba ang kaso ni Cris.

Sila ang nagbigay sa atin ng mga larawan ni Bautista at sila rin ang patuloy na nagbibigay sa atin ng mga impormasyon upang maging mas malinaw sa atin kung bakit niya pinatay si Cris at sino ang mga posibleng sangkot.

Ang panawagan natin kay Bautista? Mas mainam para sa lahat na sumuko na lang siya sa PTFoMS at titiyakin, gagarantiyahan natin ang kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya. Peksman!

***

Ngayong naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema na sakop ng Taguig City at hindi ng Makati City ang pinagtatalunan nilang ‘territorial boundary,’ mas mainam na irespeto na lang ito ng lahat. Kasama sa desisyon ay ang 9 barangay na ngayon ay nasa hurisdiksyon ng Taguig.

Dapat irespeto ang desisyon ng Korte Suprema dahil ang tawag dito ay ‘rule of law.’ Kumbaga, ‘we are a nation of laws and not of men,’ tama? Korek!

Ito ang ating paalala dahil mukhang hindi maka-move on ang mga taga-Makati, hehe!

Kitang kita ito sa kaliwa’t kanan na pagkalat ng fake news at propaganda sa social media.

Halimbawa, kumalat sa Facebook na ‘di umano, kausap na ni Makati City Mayor Abby Binay ang Palasyo at kahit si CJ Alexander Gesmundo para sa muling pagbubukas ng kaso.

Gigil naman ang mga netizen mula sa Taguig sa post na ito dahil bukod sa fake news ito, tila kinukwestyon nito ang karunungan ng Korte Suprema.

Dagdag pa riyan, nagsalita sa isang video ang alkalde ng Makati na mayroon pa raw silang ilalaban sa kasong ito. Sabi pa nga niya, pinadalhan sila ng sulat ng Korte Suprema na magkakaroon pa ng hearing tungkol sa naturang usapin.

‘’Yun nga lang, ayon kay Atty. Brian Keith Hosaka, SC spokesman, “I have no information about this. The SC-PIO (Public Information Office) will immediately post any notices on the SC website and official Twitter account should we receive any.”

Translation? Walang ganun, ‘teh!

‘Final’ na ang desisyon ng Korte Suprema kaya’t dapat huwag nang maglabas ng kasinungalingan ang iba. Igalang na lang ang naging desisyon ng mataas na Hukuman dahil tapos na ang laban!

Uulitin natin, irespeto ang rule of law. Para na rin sa kaayusan ng ating bayan.

Ang ating final word? Pagbati sa ika-125 anibersaryo ng ating kalayaan!

AUTHOR PROFILE