Default Thumbnail

Walang bayad sa sinehand at film festival

June 12, 2023 Marlon Purification 142 views

Marlon PurificationMAGANDA ang panukalang batas ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada.

Nais niya na maging libre ang sine at pagdadaos ng film festival tuwing buwan ng Setyembre bilang bahagi ng itinataguyod na Buwan ng Pelikulang Pilipino.

Layunin nito ay para mapasigla ang lokal na industriya ng pelikula.

“Sa espesyal na pagdiriwang na ito, na tatawaging Buwan ng Pelikulang Pilipino, hangad natin na mapalago ang lokal na industriya at mapalawak ang isang bahagi ng creative economy at maitaas ang pamantayan at kalidad ng ng mga pelikulang Pilipino kapantay ng pinakamahusay sa mundo,” sabi ni Estrada sa Senate Bill No. 2250.

Sinabi ng beteranong mambabatas, na isa ring aktor at producer ng pelikula, na ang kanyang panukalang Buwan ng Pelikulang Pilipino Act ay naglalayon din na mapanatili ang kultura at legasiya ng mga lokal na pelikula at ipamalas ang Filipino talents sa ibang bansa.

Iminungkahi ni Estrada na iatas sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagdadaos ng film festival na tatawaging “Pista ng Pelikulang Pilipino” para sa isang linggong eksklusibong pagpapalabas sa lahat ng regular na sinehan at streaming websites o platforms na nasa ilalim ng pangangasiwa ng nasabing ahensya.

Magkakaroon din ng libreng pagpapalabas ng mga klasikong pelikulang Pilipino at mga internationally acclaimed short o feature-length movies sa mag teatro at iba pang katulad na venue na nasa pamamahala ng gobyerno kabilang ang FDCP, Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Sa nasabing panukala, inaatasan din ang FDCP na magsagawa ng mga aktibidad sa promosyon ng pelikula at edukasyon, pati na ang pagbibigay ng training na may kinalaman sa sektor ng pelikula gaya ng directing, scriptwriting, editing, musical scoring, atbp.

Iminungkahi din ni Estrada na ideklara ang buwan ng Setyembre bilang Buwan ng Industriya ng Pelikulang Pilipino o Philippine Film Industry Month bilang pagkilala at pagpapahalaga sa film industry na sumasalamin sa mga panlipunang realidad at pagpapalaganap ng pagkakakilanlan ng bansa.

Sa panukalang ito ni Estrada, marami tiyak ang matutuwa.

Hindi lamang ito basta makapagbibigay saya sa ating mga kababayan, kundi magiging daan ito upang ibalik uli ang sigla ng pelikulang Pilipino.

Dapat kasi ang mga producer at writer ngayon ay gumawa ng mga obrang pelikula na talagang maganda, may kabuluhan at kapupulutan ng aral.

Masyado na tayong napag-iwanan sa kalidad ng pelikula kampara sa ibang bansa.

Ang palaging laman kasi sa atin ay puro kababawan at umiikot lamang ng tungkol sa pag-ibig at kadalasan pa ay istorya tungkol sa mga may kabit na asawa.

Iyong iba naman ay tungkol sa kamunuduhan at pagnanasa.

Dapat kasama sa panukala ni Jinggoy ang pagkilatis sa magagandang istorya at hindi iyong basta-basta lamang ginawa para kiligin ang masa!