galvez

Galvez pinuri si Salceda sa suporta sa peace efforts ng Marcos admin

July 11, 2023 People's Tonight 274 views

PINURI ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito G. Galvez, Jr. si Albay Rep. Joey Salceda sa suporta nito sa mga hakbang at programang pangkapayapaang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

“Pinupuri at pinasasalamatan ko si Rep. Joey Salceda sa buong suporta niya sa pangkapayapaang mga hakbang ng pamahalaan. Ipinakikita nito na kaisa namin siya sa mga pagsisikap ng pamahalaan tungo sa makabuluhang kapayapaan ng bansa para sa mga mamamayan natin,” pahayag niya kamakailan.

“Mula nang itinalaga akong ‘peace adviser,’ nakipagtulungan kaming masusi kay Rep. Salceda at iba pang mga mambabatas sa pagsulong ng malawakang mga pangkapayapaang mga hakbang ng pamahalaan,”sabi niya.

Nagkita at nagsanggunian kamakailan sina Galvez at Salceda. Tinalakay nila ang mga posibleng pagtutulungan upang isulong ang mga hakbang at inisyatibong pangkapayapaan tungo sa higit na matibay at matatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nauna rito, nangako si Salceda ng tulong at suporta sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), ang ‘interim’ na pamahalaang Bangsamoro, at ipasa ang kailangang mga batas gaya ng ‘BARMM Revenue Code and Investment Code.’

Tinalakay din nina Galvez at Salceda ang tungkol sa mahusay at mabisang implementasiyon ng mga proyekto sa ilalim ng Programang Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) sa buong bansa upang “mabuksan ang mga kapakinabangan sa kapayapaan .” Ang naturang programa ay nasa ilalim ng pagsubaybay ng “Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity” o OPAPRU.

“Naging mabunga at kapaki-pakinabang ang pakikipagtalakayan namin kay Rep. Salceda. Naturol namin ang mga gawaing magkakatulungan kami, lalo na ang mga hakbang na magtutlak ng tunay at makabuluhang kapayapaan sa loob ng BRRMM at iba pang mga masalimuot na lugar sa ating bansa, “ pahayag ni Galvez.

Pinasalamatan din ni Galvez si Salceda sa suporta ng huli sa panibagong pagkakatalaga sa kanya bilang ‘peace adviser’ ng Pangulo. “Buong puso akong nagpapasalamat kay Rep. Joey Salceda at sa mga kasamahan niya sa suporta nila sa muling pagkakataga sa akin bilang ‘peace adviser’ na may napakalaking kahulugan sa amin bilang ‘civil servants and peace workers,’” madiin niyang sinabi.

Nagsilbi si Galvez bilang ‘Presidential Peace Adviser’ mula Nobyembre 2018 hanggang Enero 2023, kung kailan itilaga din siya ni Pangulong Marcos bilang ‘Officer-in-Charge ng Department of National Defense. Muli siyang hinirang na ‘Peace Adviser’ nitong nakaraang Hunyo 21.

Bago siya naging ‘Chief of Staff’ ng ‘Armed Forces of the Philippines (AFP),’ nagsilbi din siya bilang ‘AFP Western Mindanao Command chief,’ kung saan pinamunuan niya ang pagsupil sa mga terorista nang salakayin ay sakupin nila ang Marawi City nuong 2017.

Sa ilalim ng pamumuno ni Galvez, naging mabisa ang OPAPRU sa pagpapatupad ng mga ‘nilagdaang peace agreements’ ng pamahalaan’ at “ito ay tinitiyak naming magpapatuloy na tutuparin ng ating pamahalaan,” ayon sa kanya.

AUTHOR PROFILE