Gadon Atty. Larry Gadon

Gadon: Banat sa gobyerno illogical

October 11, 2022 Paul M. Gutierrez 2593 views
BBM
Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at First Lady Atty. Liza Araneta Marcos

Mga atake kay Atty. Liza Marcos, ‘di magtatagumpay

NANAWAGAN si Atty. Larry Gadon sa mga kritiko at kalaban ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na nakabase sa labas ng bansa na manatili na lang sa abroad at huwag nang umuwi ng Pilipinas.

Sa panayam ng media noong Linggo, hinimok din ng palabang abogado na ideklara na ring ‘PNG’ o ‘persona non grata’ ang mga grupong ayaw tantanan ang administrasyon sa mga puna at batikos kahit wala sila sa Pilipinas at walang nalalaman sa mga kaganapan dito.

“Huwag na kayong umuwi ng Pilipinas dahil mabubuhay naman kami ng wala kayo,” ani Gadon.

Ginawa ni Gadon ang panawagan dahil na rin sa walang puknat na mga batikos sa administrasyong Marcos sa loob at labas ng bansa mula sa mga grupo na aniya ay ayaw pa ring tanggapin ang “overwhelming” at “landslide” na panalo ni BBM sa panguluhan noong Mayo 9, 2022.

Ayon pa kay Gadon, “illogical” o wala sa “hulog” ang ginagawang pagdawit ng mga kalaban ni PBBM sa kanyang asawa na si First Lady Atty. Liza Araneta Marcos (FLAM) na umano’y isa sa mga “sumisira” sa administrasyong Marcos.

Paalala pa ni Gadon, nakilala ni BBM si FLAM noong 1989 sa Amerika, sa panahong patuloy na nililibak at sinisiraan ang pamilya Marcos. Ikinasal sila noong 1993.

Aniya, kasama ni PBBM si FLAM na “nagtiis” sa lahat ng pangungutya at panghahamak na dinanas ng pamilya Marcos sa nakaraang higit 30 taon matapos silang sapilitan na alisin sa Malakanyang noong 1986.

Babala pa ni Gadon, hindi rin dapat basta pinaniniwalaan ng publiko ang mga nababasa at napapanood nila sa social media at mga komentaryo ng ilang mga ‘vloggers’ laban kay FLAM.

Aniya pa, mayorya ng mga vloggers ay walang pamantayan na sinusunod sa kanilang mga programa sa social media at walang ‘accountability’ sa kanilang mga ulat.
Mistula rin umanong “inuulit” lang ang ‘template’ na ginamit ng mga kalaban ni Pang. Ferdinand Marcos Sr. kung saan idinamay sa mga akusasyon ang kanyang pamilya at si First Lady Imelda Romualdez Marcos upang sirain ang unang Marcos administration.

Para naman kay Atty. Alex Lopez na ‘classmate’ ni FLAM sa kolehiyo hanggang sa pareho silang maging abogado, hindi magtatagumpay ang ginagawang mga atake laban sa kanya.

“Disente, tahimik at simpleng tao lang si Atty. Liza,” ani Lopez na higit 45 taon nang kilala at kaibigan ni FLAM.

“Tantanan na ninyo si First Lady dahil hindi kayo magtatagumpay,” panawagan pa ni Lopez sa mga kritiko ni Atty. Liza Marcos.

Si Lopez ang piniling kandidato bilang alkalde ng Maynila sa halalang nitong Mayo 9, 2022 ng ‘UniTeam’ ni PBBM at Vice President Sara Duterte.

AUTHOR PROFILE