Default Thumbnail

Foreman dedo sa tadtad ng saksak sa Navotas

February 1, 2023 Edd Reyes 200 views

TINADTAD ng saksak ng hindi pa nakikilalang lalaki ang 50-anyos na foreman sa loob ng pinapangasiwaang itinatayong bahay Martes ng gabi sa Navotas City.

Patay na nang idating sa Tondo Medical Center ang biktima, nakatira sa Barangay Commonwealth, Quezon City sanhi ng mga tinamong mga tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Lumabas sa imbestigasyon ni Homicide investigator P/SSgt. Levi Salazar ng Navotas Police Station na dakong alas-10:30 ng gabi (Enero 31), nagpasiyang bisitahin ng isang mag-asawa ang kanilang ipinapagawang bahay sa NBBS Dagat-Dagatan.

Inabutan ng mag-asawa sa labas ng itinatayong bahay ang isang lalaking nakasuot ng itim na t-shirt na may taas na 5’7 talampakan na inakala nilang trabahador kaya’t dito nila itinanong kung nasaan ang foreman.

Sumagot naman ang lalaki na baka aniya “natutulog” umano kaya’t pumasok ang dalawa sa ipinapagawang bahay at dito tumambad sa kanilang paningin ang duguang biktima na nakahandusay sa baldosa.

Kaagad na isinugod ng mag-asawa sa pinakamalapit na ospital ang biktima subalit hindi na umabot ng buhay habang hindi na rin nila nakita pa ang lalaking pinagtanungan.

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang motibo ng pulisya sa pagpatay matapos matuklasan na nawawala ang lahat ng personal na gamit ng biktima bagama’t nagsasagawa pa rin sila ng malalimang imbestigasyon.

Ayon naman kay P/Maj. Danilo Esguerra, Jr. Station Duty Officer (SDO) ng Navotas Police, malawakang paghahanap na ang inilunsad ng pulisya laban sa suspek para sa agarang paglutas sa krimen.

AUTHOR PROFILE