Deleter

Fans, ’di binigo ng bigating celebs sa MMFF Parade of Stars

December 22, 2022 Ian F. Fariñas 351 views

FAMIanMasapanoMFMSMYT

DINAGSA ng fans ang pagbabalik-kalsada kahapon ng 48th Metro Manila Film Festival Parade of Stars matapos ang dalawang taon na pagdaraos nito virtually dahil sa Covid-19 health protocols.

Hindi naman sila binigo ng mga bituing may entry sa taunang pestibal dahil halos lahat ng bigating mga pangalan ay dumalo’t sumakay sa kani-kanilang float.

Sa Welcome Rotunda nagtipon ang mga artista’t float ng walong entries bandang alas-dos ng hapon kaya naman isinara muna sa daloy ng trapiko ang bahaging iyon ng Quezon City.

Sina QC Mayor Joy Belmonte at MMDA Chairman Atty. Romando Artes ang guests of honor.

Gaya ng inaasahan, buhul-buhol ang traffic sa area sa dami ng nag-abang sa parada.

Kumpleto ang Deleter cast, sa pangunguna ni Nadine Lustre, kasama ang co-stars niyang sina Jeffrey Hidalgo, McCoy de Leon at Louise delos Reyes, pati na ang direktor ng Viva Films entry na si Direk Mikhail Red.

Techno-horror man ang tema, nagpakwela naman ang team Deleter habang naghihintay na magsimula ang parada.

Panay ang biruan nina Jeffrey at McCoy. Pati ang pagla-live ng Facebook fan page ni Nadine, pinaglaruan ng aktor-direktor.

“Paki-mine na lang po,” birong hirit ni Jeffrey sa live audience.

Si Louise naman, may baong inhaler na patago niyang ginagamit paminsan-minsan.

Gaya ng nasabi ni Direk Mikhail sa isa sa Deleter presscons, mistulang higanteng CPU ang kanilang float na may pa-LED TV pa sa tagiliran.

Sa sobrang laki at taas, nahirapan itong tawirin ang parte ng kalye na may nakalaylay na kawad ng kuryente.

Present naman sa float ng Rein Entertainment entry na Nanahimik ang Gabi ang mga bida nitong sina Ian Veneracion, Heaven Peralejo at Mon Confiado.

Na-miss ng fans si Joey de Leon sa pag-usad ng parada’t sina Toni Gonzaga, Ronnie Alonte at Loisa Andalio lamang ang nakitang kumakaway-kaway sa mala-school bus na float ng Ten17 at TinCan Production entry na My Teacher.

Panay ang paalala ng host na si Candy Pangilinan na tumabi ang mga tao para ‘di maaksidenteng masagasaan.

Pinangunahan naman nina Jake Cuenca, Sean de Guzman at Quinn Carillo ang float ng 3:16 Media Network at Mentorque Productions entry na My Father, Myself na dinirek ni Joel Lamangan.

Sakay ng Mamasapano: Now It Can Be Told float ang produ nitong si Atty. Ferdie Topacio ng Borracho Films at ‘di namataan sina Edu Manzano at Aljur Abrenica.

Ang Family Matters float naman ng Cineko Productions ay busog sa presence ng cast gaya nina JC Santos, Nikki Valdez, Agot Isidro, atbp.

Inabot ng dilim ang parada bago nagtapos sa Quezon Memorial Circle kung saan nagsagawa ng programa.

Tatakbo ang 48th MMFF mula December 25, 2022 hanggang January 7, 2023. Ang Gabi ng Parangal naman ay gaganapin sa New Frontier Theater sa December 27.

AUTHOR PROFILE