Ex-pulis Maynila natagpuang patay sa bahay sa Malate

December 16, 2022 Edd Reyes 116 views

ISANG retiradong pulis-Maynila ang natagpuang wala nang buhay makaraang tumambad ang labi nito sa kanyang tahanan sa Mataas na Lupa, Malate sa Maynila Huwebes ng umaga.

Ang biktima ay 67-anyos ng Barangay 737, sa F. Muñoz Street sa Malate.

Batay sa ulat ni Det. Zollo Nazario na isinumite kay P/Lt. Dennis Turla, pasado alas 11:05 ng umaga, nang makatanggap ng tawag mula sa District Tactical Operation Center at isinuplong na may “masangsang” na amoy na nagmumula sa bahay ng retiradong pulis kung saan natagpuan ito at tinatayang pumanaw na ito ng mga ilang araw.

Agad na rumesponde si Nazario at ang forensic expert ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa bahay na kung saan nakahundasay pa ang biktima.

Ayon umano sa pahayag ni Chairwoman Eddielyn Dimarilig ng Bgy.737, nagtungo umano ito sa bahay ng biktima upang ipabatid na may matatangap siyang Maya payroll para sa mga senior citizen.

Nasa bukana pa lamang ng bahay ng biktima ang chairwoman, nang makaamoy ito ng mabahong amoy kaya ipinagbigay alam nito sa kanyang mga barangay tanod.

Tumambad ang naaagnas na katawan ng biktima at nakakasulasok na amoy matapos ito imbestigahan ng mga awtoridad.

Isasailalim naman sa awtopsiya ang labi ng biktima para sa patuloy na imbestigasyon ng mga pulisya.

AUTHOR PROFILE