Posas

Ex-pulis iniiwan ng gf; baby, biyenan hinostage

March 9, 2024 Steve A. Gosuico 131 views

CABIAO, Nueva Ecija–Isang lasing umano na dating pulis na natanggal sa serbisyo dahil absent without official leave (AWOL) ang inaresto matapos mang-hostage ng kanyang anim na buwang anak na babae at biyenang babae, kabilang ang 11-taong-gulang na hipag sa loob ng apat na oras noong Huwebes.

Kinilala ni police head Major Shariel C. Paulino ang hostage-taker na si Vincent Jordan Santos, 27, ng Brgy. Luyos, San Antonio, Nueva Ecija at dating Patrolman sa Malolos City, Bulacan police station.

Nagalit umano ito at tinutukan ng baril ang kanyang anak na sanggol na babae kasama ang kanyang 52-anyos na biyenan at 11-anyos na hipag sa Purok 7, Brgy. San Roque.

Sinabi ni Paulino na nangyari ang hostage incident dahil nagalit ang dating pulis matapos wakasan na ng kanyang live-in partner ang kanilang relasyon.

“Hinihiwalayan na ng ka-live-in, di pa naman sila kasal kasi nananakit daw eh kaya ayaw na ng babae sa kanila.

Ang gusto nitong lalaki magkaayus sila eh ayaw na nga kaya ayun nang hostage na,” pahayag ni Paulino sa Journal Group nooong Sabado.

Nagsimula ang hostage drama ng ala-1 ng umaga at nagpatuloy hanggang 4:50 ng umaga kung saan si Paulino ang nagsisilbing ground commander sa panahon ng negosasyon.

Sinabi ni Paulino na agad siyang bumuo ng negotiating team mula sa Nueva Ecija police provincial office, Special Weapons and Tactics (SWAT), at kumpanya ng First Provincial Mobile Force nang makakuha ng report ng insidente mula sa isang concerned citizen.

Matapos ang ilang oras na negosasyon, sinabi ni Paulino na sa wakas ay sumuko sa kanya ang suspek bitbit ang kanyang Cal. 9mm government-issued firearm na may kargang 10 bala dakong 4:50 ng umaga.

Ang mga kasong paglabag sa Article 267 (Serious Illegal Detention), Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) ay isinampa na laban sa suspek sa Opisina ng Taga-usig sa Cabanatuan City.

AUTHOR PROFILE