Quiboloy

EX-MEMBERS KAKANTA VS KOJC NI QUIBOLOY

December 18, 2023 People's Tonight 193 views

MAY mga dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), na itinayo ng televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy, ang lumantad at nagpahayag ng kanilang kahandaan na ilahad ang kanilang nakakapanghilakbot na karanasan diumano sa religious organization, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.

Itinakda ni Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, ang pagdinig sa Enero 23, 2024, upang malaman kung anong pagbabago sa batas ang kailangan para mas maging matibay ang paglaban sa mga religious organization na sangkot umano sa human trafficking, rape, at sexual at physical abuse.

Tinuligsa ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio si Hontiveros dahil trial by publicity ang nais nito. Ang dapat umanong gawin ng senadora ay magsampa ng kaso sa korte.

Iginiit ni Topacio na hindi ang Senado ang tamang venue ng imbestigasyon at dapat ay maging patas ang legal na proseso.

Ayon kay Hontiveros, ang mga nakaalis sa KOJC ay nagpahayag ng kahandaan na ilahad ang kanilang nakakapanghilakbot umanong karanasan sa religious group ni Quiboloy sa pagdinig ng Senado.

Hawak din umano ni Hontiveros ang isang affidavit na nagdedetalye ng ginawang pang-aabuso ni Quiboloy sa isang menor de edad.

“These are not past crimes for which we hold Apollo Quiboloy accountable. This is an ongoing offense. The abuse of women and children is happening as we speak, under the auspices of the [KOJC],” sabi ni Hontiveros sa isang press conference kamakailan.

Isa sa mga saksi ang 15-anyos na pinangalanang “Jackson” na ni-recruit ng KOJC kasama ang kaniyang pamilya.

Ayon kay Hontiveros, si “Jackson” ay naatasan na manghingi ng pera sa mga tao sa lansangan para umano sa organisasyon o pondo sa edukasyon.

Batay sa isa pang testimonya, sinabi ni Hontiveros na sinaktan umano ang isang menor de edad matapos itong makipag-date. Inumpog-umpog umano ang ulo nito sa pader at kalaunan ay ikinulong ng grupo.

Isang saksi na dating miyembro ng KOJC ang umalis sa organisasyon ni Quiboloy matapos umanong masaksihan ang mga pang-aabuso sa mga kapuwa nito menor de edad.

Muli na umanong nag-aaral ang bata matapos na makaalis sa religious group ni Quiboloy.

AUTHOR PROFILE