Default Thumbnail

Epekto ng social stratification kita sa Titanic

November 12, 2022 Magi Gunigundo 1172 views

Magi GunigundoNOONG madaling araw ng Abril 15,1912, lumubog sa Hilagang Atlantiko ang barkong Titanic sa unang paglalayag nito patungong New York. Sa lulan nitong 2,300 pasahero, mahigit sa 1,600 buhay ang nasawi.

Gamit ang sosyolohikal na mata, makikita natin na may dalawang kategorya ng mga pasahero na nagbigay ng mas magandang tiyansa na matirang buhay.

Unang kategorya ang kasarian. Ang mga babae at bata ang unang pinasakay sa mga lifeboat kaya tuloy 80 % ng mga pasaherong namatay ay mga lalaki.

Ikalawang kategorya ang kayamanan ng pasahero. Mahigit 60% ng mga 1st class na pasahero ang natirang buhay dahil sila ay nasa matataas na mga kubyerta kung saan ang mga babala na lulubog ang barko ay unang inanunsyo at ang mga lifeboat ay nakahimpil. 36 % lamang ng mga 2nd class pasahero ang nakaligtas, at 24% lamang sa mga 3rd class pasahero sa pinakamababang kubyerta ang nakatakas sa pagkalunod. Sa barko ng Titanic, ang ibig sabihin ng 1st,2nd at 3rd class ay higit pa sa kalidad ng mga hihigaan; kinategorya rin ang tiyansa ng pasehero na matirang buhay o masawi.

Ang kapalaran ng mga pasahero ng Titanic ay naglalarawan kung paano nakakaapekto ang hindi pagkakapantay-pantay ng tao sa lipunan.

Ang bawat lipunan ay minarkahan ng hindi pagkakapantay-pantay, kung saan iilang tao lang ang mas mapera, mas prestisyoso ang trabaho, at mas makapangyarihan ( dahil sa kulay ng balat o relihiyon) kaysa sa karamihan na nasa mababang puwesto sa hirarkiya ng lipunan.

Ang “social stratification” ay isang sistema ng lipunan na nagraranggo ng tao sa isang hirarkiya, at ito ay may apat na mahahalagang prinsipyo:

1. Ito ay isang katangian ng lipunan na hindi batay sa talento at pagsisikap ng mga indibidwal sa mataas at mababang puwesto sa hirarkiya ng lipunan. Nakaligtas ba ang mas mataas na porsyento ng mga first class na pasahero sa Titanic dahil mas mahuhusay silang lumangoy kaysa sa second at third class na pasahero? HINDI. Naligtas sila dahil sa kanilang pribilehiyong posisyon sa barko. Sa katulad na paraan, ang mga batang ipinanganak sa mayamang pamilya ay tambak ang lamang sa mga batang ipinanganak sa kahirapan sa pagtamasa ng mabuting kalusugan,dekalidad na edukasyon, tagumpay sa isang karera dahil sa kapital at koneksyon ng magulang, at pagkakaroon ng mahabang buhay. Puwesto sa hirarkiya ng lipunan ang nagbibigay ng masaganang buhay.

2. Ang puwesto sa hirarkiya ng lipunan ay minamana ng isang henerasyon sa sinundang henerasyon. Sabi nga ni Gregory Clark, ang hardinerong lolo ay hardinero rin ang anak at apo. Totoo na mayroong “social mobility”, isang pagbabago sa puwesto sa hirarkiya na maaaring pataas o pababa. Sina Giselle Bundchen at rapper Jay Z ay parehong hindi nakatapos ng high school ngunit sumikat at yumaman. Dagdag na halimbawa si Manny Pacquiao na pambihira ang pag-akyat sa hirarkiya ng lipunan natin. Ang pagdausdos pababa sa hirarkiya ng lipunan naman ay sanhi ng pagkalugi sa negosyo, malubhang sakit, o pag-urong ng ekonomiya at kawalan ng trabaho.

3. Ito ay laganap sa lahat ng bansa ngunit mayroon pagkakaiba ito kung ano ang hindi pantay at kung gaano ito hindi pantay kada lipunan.

4. Ito ay nakapagbubuo rin ng iba’t ibang mga paniniwala na nagbibigay katwiran na matuwid ang hindi pagkakapantay-pantay ng tao sa lipunan.

Ayon sa Davis-Moore Thesis, mainam ang social stratification. Hinihikayat nito ang masipag at may talento na lalong magsikap sa buhay upang may tanggaping gantimpalang materyal habang pinakikinabangan ng lipunan ang bunga ng pagsisikap ng tao. Ang hindi pantay na gantimpala ang pundasyon ng social stratification.

Binatikos ito ni Melvin Tumin. Ayon kay Tumin, hindi sa lahat ng pagkakataon ay may pakinabang ang lipunan sa pagtatangi ng isang trabaho na tinuturing na mas mahalaga kaysa sa iba.Halimbawa na si Floyd Mayweather na kumita ng milyun-milyong dolyar sa boksing kumpara sa suweldo ni Pangulong Obama na lider ng Amerika. Sa Pilipinas, nakakalula ang laki ng suweldo ng mga basketbolistang banyaga kung ihahambing sa sweldo ng mga nars at doktor ng pamahalaan na maselan ang papel sa kasagsagan ng pandemiya ng covid. Pinagkakaitan din ng pagkakataon ang taong ipinanganak sa mababang puwesto ng lipunan na makaahon sa kahirapan. Hindi rin masusukat sa pera ang mga mahahalagang bagay tulad ng pagiging mabuting magulang o kaibigan. At panghuli, ang pananatili ng social stratification ay maaaring magpatibay sa pananaw na hindi makatarungan at bulok ang lipunan, at magpalakas sa mas radikal na pagbabagong marahas.

Iba ang nararanasan ng 1st,2nd at 3rd class na Pilipino sa matamlay na ekonomiya ngayon. Ang mga nasa 1st class ay manhid at nagpapasasa sa kanilang pribiliheyong posisyon, kapangyarihan at kayamanan na hindi madadala sa langit o impiyerno. Maaaring tanggap ng mga matanda na ganyan talaga ang buhay at hindi na ito mababago pa. Subalit dahil sa Internet, iba ang mindset ng bagong henerasyon ng mga 2nd at 3rd class na lubog sa dagat ng kahirapan.

AUTHOR PROFILE