Artes

Driver nahuli, tumakas, isang kaso naging tatlo

March 14, 2024 Edd Reyes 74 views

TIMBOG ang driver ng public utility vehicle (PUV) na tumakas bago ma-impound ang kanyang sasakyan matapos mahuli ng mga constables ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Miyerkules sa Caloocan City.

Natunton ng MMDA, Department of the Interior and Local Government Special Project Group (DILG-SPG) at Land Transportation Office (LTO) si Florencion Gumpal sa Tanigue St. Dagat-dagatan, Caloocan pasado alas-6:00 ng gabi.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, hindi nila kukunsintihin ang mga pasaway na motorista na lumalabag sa batas upang matiyak na magbabayad sila ng kaukulang multa.

“We will enforce traffic rules and regulations to make our roads safe for all its users,” pahayag ni Artes.

Sinabi ni MMDA Special Operations Group-Special Force (SOG-SF) Head Gabriel Go na pinahinto nila ang UV Express ni Gumpal sa EDSA-Quezon Avenue dahil out-of-line.

Nang malapit na sa impounding area sa HK Sun Plaza sa Pasay City, tumakas si Gumpal habang may hinuhuli sina Go na isa pang kolurim na van.

Palusot ni Gumpal, hindi siya tumakas dahil umuwi na siya ng wala siyang dinatnan isa mang traffic enforcers sa impounding area nang bumalik siya.

Hindi kinagat ni Go ang palusot ni Gumpal kaya’t bukod sa paglabag sa out-of-line, sasampahan din siya ng kasong resistance and disobedience to persons in authority.

AUTHOR PROFILE