DOH

DOH BIBILI BAKUNA VS PERTUSSIS

March 23, 2024 Chona Yu 83 views

MINAMADALI na ng Department of Health (DOH) ang pagbili ng bakuna kontra pertussis o whooping cough.

Ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office, ito ay matapos makapagtala ng mataas na kaso ng sakit ang Quezon City, Calabarzon at Visayas region.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, ang spokesman ng ahensya, magsasagawa ng quick procurement ang DOH sa 5-in-1 vaccines.

“Maliban sa mababang vaccine coverage, nagkaroon po kami rin ng problema sa supply ng 5-in-1 vaccine kaya nga maraming lugar ang maaaring halos said na po iyong kanilang suplay ng 5-in-1 vaccine,” pahayag ni Tayag.

“Kaya nga ang Kagawaran ng Kalusugan ay bumibili ng mabilis para nang sa ganoon ay maipamahagi na kaagad ang mga suplay na ito na kailangan po,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Tayag, lubhang nakakahawa ang pertussis na nagdudulot ng respiratory tract infection, at ang mga sintomas nito ay ang walang tigil na ubo na halos hindi makahinga at may sipol sa dibdib.

Ang magandang balita naman aniya ay mayroong available na antibiotics na maaaring ibigay sa mga pasyente basta may reseta ng doktor.

Pinayuhan naman ni Tayag ang mga doktor na maging maingat sa mga sintomas ng pertussis na mae-encounter nila sa mga pasyente na magtutungo sa ospital.

Umaasa naman umano ang DOH na makakakuha ng tamang impormasyon ang publiko tungkol sa kahalagahan ng bakuna, partikular na sa pertussis na lubhang nakakahawa sa mga sanggol at mga bata, para matugunan ang mababang vaccine coverage.

Mayroon aniyang mababang vaccination rate, partikular na noong COVID-19 pandemic, kaya nagkaroon ng kasalukuyang outbreak hindi lang sa pertussis kung ‘di dulot na rin ng kontrobersiya sa Dengvaxia na nagdulot ng takot sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Sinabi ni Tayag na base sa talaan ng DOH noong Marso 9, may 453 na kaso ng pertussis ang naitala sa bansa, kung saan 35 na ang nasawi.

Karamihan sa mga kasong naitala ay sa Metro Manila, Calabarzon at Central Visayas.

AUTHOR PROFILE