Vhong

Direk Chito, Streetboys, ABS-CBN bosses at ‘Showtime’ family, pinasalamatan ni Vhong

March 14, 2023 Vinia Vivar 409 views

Masayang-masaya at labis ang pasasalamat ni Vhong Navarro sa pagkaka-dismiss ng Supreme Court sa dalawang criminal cases (rape at acts of lasciviousness) na isinampa laban sa kanya ng modelong si Deniece Cornejo.

Lumabas ang desisyon ng Supreme Court Third Division last Monday.

Sa It’s Showtime kahapon ay nagbigay si Vhong ng statement hinggil sa bagong development na ito.

“Dasal ako nang dasal everyday and every night na hopefully ay makuha ko na ‘yung minimithi ko, na matapos na itong pinagdadaanan ko. Kasi may mga panahon na akala ko, nawalan ako ng pag-asa, eh. Nawalan ako ng hope nu’ng nasa loob ako.

“Pero hindi ako tumigil sa pagdarasal kaya ‘eto na po, (dininig) na po ng Supreme Court ‘yung dasal natin. At nagkakaroon na po ng maganda ang ginawa nilang pagresolba sa kaso ko. Kaya maraming, maraming salamat sa Supreme Court. Maraming, maraming salamat sa aking legal team na talagang nandiyan, hindi ako pinabayaan,” pahayag ni Vhong.

Nagpasalamat ang TV host/comedian/dancer sa lahat ng taong naniwala at sumuporta sa kanya.

“Of course, ABS-CBN dahil hindi ako iniwan, binigyan ako ng trabaho. Welcome ako rito sa Showtime. Sir Carlo Katigbak, Sir Mark Lopez and of course, Tita Cory Vidanes, maraming, maraming salamat. I love you. Lagi kayong nandiyan. Lagi kayong nakaalalay sa akin. Of course, Direk Chito Roño, sa manager ko. I love you, boss, thank you so much. Sa Streetboys.

“At sa mga taong naniniwala sa akin, sumusuporta sa akin, marami pong salamat. Of course my family, kay Tanya, kay Yce, kay Bruno, sa dalawang nanay ko, sa mga kapatid ko at sa mga kaibigan ko pa, maraming, maraming salamat,” ani Vhong.

Binanggit din niya na dahil dito ay bumalik na ang paniniwala niya sa ating justice system.

“Dahil sa Supreme Court, naniniwala po ulit ako na may justice system sa Pilipinas. Salamat po. Kaya patuloy po tayong magdarasal. God is really good,” he said.

Maging ang mga kasamahan ni Vhong sa It’s Showtime ay masayang-masaya sa magandang pangyayaring ito.

“Ang saya-saya nating lahat. Sabi ko nga sa chat, very joyful, victorious and meaningful day, hindi ba? Ang daming messages ng pangyayari na ‘yon, isang pangyayari lang, pero ang daming messages na sini-send out sa atin ng Panginoon doon. Just keep the faith. Haharapin mo ang pinakamabigat na ganap sa buhay, pero at the end, you will win because I am with you, ‘yun ang sabi Niya, hindi ba?” sabi ni Vice Ganda.

Dagdag pa ng Unkabogable Star, “Ang bigat-bigat nang pinagdaanan mo sobrang bigat, hindi ba? Pero hindi ka nag-iisa, nandiyan. Sabi nga nila if it’s not good it’s not the end because everything will end good. Ganda. Ang saya natin. Let’s keep the faith.”

Sinegundahan naman ito ni Vhong.

“Namamangha ako sa sinasabi n’yo kasi totoo. Ramdam ko, pinagdaanan ko. Kumbaga, kung ano ang pinagdaanan ko at alam ko may iba na may pinagdadaanan din diyan, huwag tayong matakot. Harapin natin ang mga pagdadaanan natin na ‘yan at ‘yung hope at faith kay God natin ibibigay,” sey ni Vhong.

AUTHOR PROFILE