Elevator

Director at producers puring-puri sina Paulo at Kylie sa ‘Elevator’

April 8, 2024 Ian F. Fariñas 92 views

Sanib-puwersa ang Viva Films, Studio Viva, Rein Entertainment at Cineko Productions para sa romantic-comedy film na Elevator na pinagbibidahan nina Paulo Avelino at Kylie Verzosa at palabas na sa mga sinehan sa April 24.

Isinulat at idinirek ni Philip King, ipapakita ng pelikula na ang love ay maaaring mahanap sa mga hindi inaasahang lugar.

Ginagampanan ni Paulo si Jared, isang elevator attendant sa isang hotel-casino complex sa Singapore.

Marami siyang ambisyon, kaya nagde-develop din siya ng isang makabagong app para sa Pinoy migrant workers.

Ipini-pitch niya ang kanyang concept sa mayayamang negosyanteng nakakasabay niya sa elevator para mahiyakat silang mag-invest.

Sa kabila ng kanyang pagpupursige, palagi siyang tinatanggihan ng mga ito.

Hanggang sa makilala niya si Byron (Adrian Pang), isang Singaporean businessman na interesadong maging investor niya.

Pero bago siya pumayag, gusto niyang pagandahin pa ni Jared ang kanyang proposal sa tulong ni Bettina, isa ring OFW na nagtatrabaho bilang sekretarya ni Byron.

Si Kylie ay si Bettina, na sa simula ay masungit ang pakikitungo kay Jared. Maraming oras sila na magkasamang nagtatrabaho at habang tumatagal ay nagiging malapit sila sa isa’t isa at mas lumalalim ang kanilang koneksyon. Ibinabahagi nila sa isa’t-isa ang kani-kanilang mga pangarap at aspirasyon. Mahuhulog na si Jared kay Bettina kahit na pinagbawalan siya dati ni Bettina na ma-in love sa kanya. Ito ay dahil si Bettina ay kasintahan din ni Byron.

Sa pagitan ng pag-ibig at ambisyon, pipiliin ba ni Jared na ipaglaban ang pagmamahal kay Bettina o ang kanyang pangarap na mas magandang kinabukasan?

Ang cast at crew ng Elevator ay nag-shoot ng 10 araw sa Singapore, kung saan kinunan ang 90 percent ng mga eksena.

Ibinahagi ng producers na sina Lino Cayetano at Shugo Praico na naki-partner sila sa Singaporean production outfit na Dogma Films.

Sa isang panayam, binanggit ng direktor at producers kung gaano sila kaswerte na makatrabaho ang cast.

Pinuri ni Direk Philip ang dedikasyon ni Paulo sa kanyang role.

“May sinasabi siya na ‘pwede bang gawing ganito?’ Nagulat kami na parang ganu’n si Paulo. Parang we saw a different layer into the character (he) brought in,” sabi ng direktor.

Mula sa leading man roles hanggang sa mga seryoso at kakaibang karakter, napakalawak na ng ipinakitang versatility ni Paulo, na nanalo nang Best Actor sa mga prestihiyosong pagdiriwang gaya ng 35th Gawad Urian Awards (Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa) at 46th Metro Manila Film Festival (Fan Girl).

Gusto rin ni Direk Philip na maipakita ang ibang side ni Kylie sa Elevator. “There’s no need to force sexuality out of Kylie kasi naturally it oozes out of her,” paglalahad niya. “Baka nga people will be surprised of how she is here.”

Si Kylie ay unang nakilala nang manalo bilang Miss International 2016. Mula sa pagiging beauty queen, sumabak at nagtagumpay din siya sa pag-arte.

Hinirang siyang Best Actress sa 2022 Distinctive International Arab Festivals Awards para sa kanyang pagganap sa pelikulang The Housemaid.

Puro papuri rin ang ibinigay ni Praico kay Adrian, isang accomplished Singaporean actor na may mahalagang papel sa pelikula.

“Magaling. So professional. Masarap katrabaho,” aniya.

Nang ilabas ang official trailer ng Elevator noong March 20, ipinakita ng netizens ang kanilang excitement and support kaya umani ito ng 1 million views sa social media sa loob lamang ng 10 oras.

Napanood din sa trailer ang memorable line ni Kylie na: “Bawal kang ma-in love sa’kin” na tumatak sa mga hopeless romantic.

Sa nakaka-overwhelm na anticipation na ito, tiyak na magiging isa ito sa much-awaited films ngayong summer.

Kasama rin sa cast sina Chai Fonacier, Shrey Bhargava, Shahid Nasheer, Shaun Lim, Rishi Vadrevu at Amy Cheng.

Hindi lang isang charming romantic story ang hatid ng Elevator, pero mapusong kwento rin tungkol sa migrant workers na tatagos sa damdamin ng mga Pilipino. Darating na ito sa mga sinehan sa April 24.

AUTHOR PROFILE