JLC

John Lloyd pararangalan ng FAMAS

April 8, 2024 Vinia Vivar 85 views

Isa si John Lloyd Cruz sa mga bibigyan ng special award sa 72nd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) awards sa Mayo.

Tatanggap ang aktor ng FAMAS Golden Artist Award dahil sa pagkakapanalo niya ng Boccalino d’Oro prize or Golden Jug Award for Best Actor sa 76th Locarno Film Festival sa Switzerland noong August 2023.

Inanunsyo ito ng FAMAS sa kanilang Facebook page. The statement read:

“JOHN LLOYD CRUZ, FAMAS Golden Artist Awardee. For bagging the prestigious Boccalino d’Oro prize or Golden Jug Award for Best Actor at the 76th Locarno Film Festival in Switzerland last August 2023.He was recognized for his lead role in Lav Diaz’s Essential Truths of The Lake (2023), which was the only Southeast Asian entry for the international festival’s main competition. The award was given out by the festival’s Independent Critics Jury.

“FAMAS Golden Artist Award is given to performers who have gained local/international recognition for their cinematic and/or artistic excellence.”

Sa kanyang Instagram Story ay naging madamdamin ang pasasalamat ni Lloydie.

Aniya, “Maraming salamat po sa MGA MANUNURI AT BUMUBUO NG FAMAS para (sa) parangal na ito. Nawa’y maibalik nating lahat ang tunay na pagpapahalaga sa kapwa maging taga-industriya man na malilikha o manonood na sabik sa pagtakas o manonood na may pagnanais at pagpapahalagang hanapan ng kwentong sasalamin sa mga nakakabagabag niyang mga tanong at saloobin patungkol sa mga sistemang hindi epektibo at hindi pabor sa karamihan, mga kwentong maaring maging halimbawa at kapulutan ng aral na pwedeng maggabay sa tunay na pagbabago at pagsasabatas na totoong poprotekta sa lahat at hindi para sa iilan lang.”

Patuloy pa ng aktor, “Ang cinema ay para sa lahat. Ang cinema ay para sa umaasa. Ang cinema ay para (sa) mga bigo. Ang cinema dapat ay ligtas at hindi kasangkapan para sa propaganda. Ang cinema, hindi man nito obligasyon na pirming may alay na kasagutan, ang cinema ay laging nagtatanong. Ang cinema ay makatao at para sa tao.

“Dalangin kong matupad ang mga naisin kong ito at magsilbing kakatawan sa mas makatotohanang maaring magtawid sa ating lahat at magbibigay dangal na manumbalik ang tunay na sigla at kahusayan ng pelikulang Pilipino.”

AUTHOR PROFILE