Center Source: Councilor Rex Riguera FB

Diagnostic Center-2 ng Las Pinas City Government, pinasinayahan

March 23, 2024 People's Tonight 106 views

PINANGUNAHAN ni Las Piñas City Mayor Imelda T. Aguilar ang pagpapasinaya kamakailan sa ikalawang diagnostic center ng lokal na pamahalaan, sa Barangay Daniel Fajardo sa naturang lungsod.

Kasama ni Mayor Aguilar sina Vice-Mayor April Aguilar, City Health Committee head Councilor Peewee Aguilar City Health Office Officer-in-Charge (OIC), Dr. Juliana Gonzalez at department heads sa pormal na pagbubukas ng Las Piñas City Diagnostic Center-2 na karagdagan sa komprehensibong programang pangkalusugan ng lungsod.

Sinabi ng alkalde na ang Diagnostic Center-2 ay magbibigay ng libreng mga serbisyo sa laboratoryo para sa mga kuwalipikadong residente sa lungsod upang hindi na gumastos sa kinakailangang laboratory tests mula sa mga pribadong pasilidad.

Ayon pa kay Mayor Aguilar kabilang sa makukuhang libreng serbisyo ay ang basic blood chemistry examinations katulad ng Fasting blood sugar, cholesterol profile, blood urea nitrogen, creatinine, blood uric acid, liver function tests gaya ng SGPT at SGOT, maging ng complete blood count with platelet count at urinalysis.

Bukod dito, ang pasilidad ay nag-aalok din ng libreng chest x-ray at 12-lead Electrocardiogram.

Nabatid na ang lahat ng ito ang pinaka-karaniwang diagnostic examinations na hinihiling para sa medical screening and management.

Inihayag naman ni Vice Mayor April Aguilar na ang gusali ng Las Piñas City Diagnostic Center-2 ay orihinal na ginawang molecular laboratory upang umasiste sa pagsusuri ng COVID-19 infection bilang bahagi ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy noong panahon ng pandemya.

Paliwanag pa ng bise alkalde, noong Marso 2022, nakita ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang naturang imprastruktura na mas maseserbisyuhan nito ang mga Las Piñero kung gagawin itong diagnostic center kaysa molecular lab kung saan kontrolado na mula noon ang COVID infection.

Nauna ng pinasinayahan pinasinayaan nina Mayor Mel at Vice Mayor Aguilar ang unang Las Piñas City Diagnostic Center ng lokal na pamahalaan na nasa bisinidad ng city hall noong Agosto, 2023 na layuning magkaloob ng libre at mas maayos na laboratory services sa mga residente.

Ang pagkakaroon ng karagdagang diagnostic center ng Las Piñas ay bahagi ng kanilang programang “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” para siguruhin ang kalusugan at kapakanan ng mga Las Piñero.

AUTHOR PROFILE