Default Thumbnail

Dalagita ginawang ‘sex slave ng ka-chat sa FB

January 11, 2022 Melnie Ragasa-limena 461 views

NASAGIP ang 14-anyos na dalagita na dinukot at ginawang ‘sex slave’ ng ka-chat sa Facebook sa loob ng 10-araw sa tahanan nito sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Sa report ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2p.m. (January 1) nang dukutin ang biktima sa Purok 6, Brgy. Tabacao, Talavera, Nueva Ecija at dinala ng suspek sa kaniyang tahanan sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg Virginia B Balberona ng Women and Children Protection Desk ng PS 10, ang biktima at ang suspect ay magka-chat sa Facebook Messenger simula pa noong December 24, 2021.

Sa pamamagitan ng text messages ay nakumbinsi ng suspek ang biktima na magkita sila sa Brgy. Tabacao, Talavera, Nueva Ecija.

Nang magkita ang dalawa ay dinala ng 21 anyos na suspek ang dalagita sa bahay ng kaniyang kaibigan sa Brgy. San Jose, Nueva Ecija at nanatili sila doon ng mahigit 20 oras.

Dahil dito, nagpasya ang dalagita na umuwi na pero puwersahan siyang isinakay ng suspek sa Baliwag Transit patungong Maynila at dinala sa kaniyang tahanan kung saan ito paulit-ulit na pinagsamantalahan hanggang January 10.

Nang makakuha ng pagkakataon ang biktima ay kinontak niya ang kaniyang mga magulang na agad namang lumuwas ng Maynila, at humingi ng saklolo sa mga opisyal ng Brgy. West Kamias na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A. 8353, R.A. 7610 at Forcible Abduction laban sa suspek.