Default Thumbnail

Dalagita 5 taong hinalay ng amain

October 10, 2021 Melnie Ragasa-limena 324 views

NABISTO ang umano’y panghahalay ng 44-anyos na stepfather sa kaniyang anak-anakan sa loob ng limang taon makaraang magsumbong na ang dalagita at ipaaresto ito sa mga awtoridad sa Quezon City, nitong Sabado ng hapon.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Galas Police Station PS-11, bandang alas-4:00 ng hapon (October 9), nang maaresto ang suspek sa kaniyang tahanan sa barangay Tatalon, QC. nina PSSg Michael Avenis at Pat Kevin Operio.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Karen S Detabbali, taong 2016 nang simula umanong halayin ng suspek ang kaniyang 16-anyos na stepdaughter sa loob mismo ng kanilang tahanan kapag wala ang ina nito.

Ayon sa ina ng dalagita, nagsumbong ang kaniyang anak na matutulog na umano sana sila ng isa pa niyang nakababatang kapatid ng pumasok sa kuwarto ang kaniyang kinakasama.

Inutusan umano ang biktima ng stepfather na sumunod sa kaniya at linisin ang living room subalit tumanggi ang dalagita.

Nagalit umano ang suspek at hinila ang stepdaughter sa living room at doon ay hinalay muli ang dalagita.

Nabatid na ang panghahalay ng suspek sa stepdaughter ay naging paulit-ulit mula pa noong 2016 hanggang sa kasalukuyan kaya nitong huli ay hindi na natiis pa ng dalagita ang ginagawang ng stepfather at isinumbong na niya ito sa kaniyang ina.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 8353 at RA 7610 laban sa suspek.