Default Thumbnail

COVID-19 cases sa Maynila tumaas, Mayor Honey ‘bahagyang’ nabahala

April 15, 2023 Edd Reyes 215 views

BAHAGYANG nabahala si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa pagtaas ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod nitong nakaraang Biyernes.

Sa kanyang “The Capital Report” na live na napanood ng Biyernes ng hapon sa opisyal na Facebook account ng Manila Public Information Office (MPIO), iniulat ng alkalde ang paglobo ng bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 na umabot na sa 71 mula sa 11 noong araw ng Martes.

Pinakamataas ang naitalang ulat ng pagkakaroon ng kumpirmadong kaso sa Unang Disrito ng Tondo na umabot na sa 15 kumpara sa sampu noong Martes.

Sa kabila ng paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng nakahahawang sakit, sinabi ni Mayor Honey na hindi pa rin kinakailangan sa kasalukuyan ang muling pagbabalik ng sapilitang pagusuot ng face mask.

Gayunman, patuloy aniyang oobserbahan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga susunod na araw kung magpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 upang matukoy kung kinakailangan na ang puwersahang pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask sa loob at labas ng alinmang establisyimento o anumang lugar.

Pinaalalahanan din niya ang mga tao na ugaliin na rin ang pagsusuot ng face mask at samantalahin ang libre pang pagkakaloob ng bakuna at booster shots laban sa COVID-19 sa lahat ng mga health centers sa lungsod.

AUTHOR PROFILE