LPG

CIDG kasado sa kampanya kontra mga illegal LPG

November 21, 2023 People's Tonight 199 views

UPANG ganap na matuldukan ang mga ilegal na gawain sa sektor ng liquified petreleum gas (LPG), tumulong na rin ang Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP-CIDG) upang tugisin at mapanagot sa batas ang mga negosyanteng sangkot sa mga ito.

Mismong si CIDG Chief Police Major General Romeo Caramat, Jr. ang nakipag-usap sa mga miyembro ng Liquified Petroleum Gas Industry Association (LPGIA) at ilang kinatawan ng LPGMA Partylist para tiyakin ang ibayong suporta laban sa mga ilegal na aktibidad na ibibigay ng kanyang grupo.

“Mas maraming sorpresang pagsalakay sa mga ilegal na planta at pagawaan, mas maganda,” harapang banggit ni Caramat sa mga opisyales at kinatawan ng dalawang grupo sa kanilang pagpupulong kamakailan.

Sa unang bugso pa lamang kasi ng operasyon ng grupo ni Caramat, nalansag nito ang isang malaking bodega sa Consolacion, Cebu na pinagtataguan ng mga canister ng LPG (karaniwang ginagamit sa samgyup) na nagsilbing isang malinaw na babala sa iba pang gumagawa ng mga ilegal na aktibidad.

Ang grupong lumusob sa bodega ay pinangunahan ni CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit head Police Col Bernard Lao.

Ang Department of Energy (DOE), LPGIA at LPGMA ay matagal nang nagsama-sama para sugpuin ang mga ilegal na aktibidad sa kanilang sektor subalit marami pa ring nakakalusot dahil sa kawalan ng mga ito ng police power para magpatupad ng agarang disciplinary action sa mga maaaktuhan.

Hinihikayat naman ni Caramat ang mas malalimang kooperasyon ng mga nabanggit na asosasyon at maging ang LPGMA sa pamamagitan ng pagtulong sa mga impormante nila na ma-locate ang mga kinaroroonan ng mga gumagawa ng ilegal.

“Tulong-tulong tayo rito para masolusyunan na ang problemang nagpapasakit ng ulo, hindi lamang ninyo kundi pati gobyerno dahil nga nakakaiwas ang mga ilegalista na magbayad ng kaukulang permit at mag-ambag ng buwis na naaayon sa galaw ng kanilang kumpanya,” banggit pa ni Caramat.

AUTHOR PROFILE