Default Thumbnail

Chinese nat’l huli sa shabu na pinadala via Lalamove

December 14, 2021 Edd Reyes 289 views

ARESTADO ang isang Chinese national makaraang tanggapin ang paketeng naglalaman ng ilegal na droga mula sa delivery rider Lunes ng hapon sa Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg ang suspek na si Xingchao Li, 29, residente ng McKinley Hill Bonifacio Global City (BGC) Taguig habang inaalam pa ang kasabuwat niyang nagpadala ng pakete sa pamamagitan umano ng Lalamove rider.

Lumabas sa pagsisiyasat na dakong alas-2:59 p.m., kinuha ng Lalamove rider ang pakete sa isang Chinese national sa Baclaran na nakilala lamang sa alyas Xiaofei matapos itong magpa-book sa naturang app-base courier.

Bilang panuntunan, kukuhanan sana ng deliver rider ang laman ng pakete subalit tumanggi si Xiaofei at sa halip, binigyan na lamang ng P100 ang lalaki.

Gayunman, nang dalhin sa nakasaad na lugar ng rider ang pakete, hindi niya makita ang receiver hanggang tawagan siyang muli ng nagpadala at inatasan dalhin sa iba na namang lugar kaya’t dito na nagduda ang delivery man at binuksan ang dalang kahon.

Nagulat ang rider nang makitang may lamang sachet ng shabu ang pakete kaya’t humingi na siya ng tulong sa mga operatiba ng Taguig Police Sub-Station 1.

Nagkasa naman ng entrapment operation ang kapulisan at nang matukoy na ng rider ang panibagong lugar na pagdadalhan sa pakete sa McKinley Hill, dito na naaresto ang dayuhang suspek.

AUTHOR PROFILE